MANGMANG lang ang maniniwala sa depensa na walang naganap na massacre nu’ng Nob. 23, 2009 sa Maguindanao, teritoryo ng Ampatuan political dynasty.
Limampu’t pitong bangkay ng mga mamamahayag, abogado, at kaanak ng angkang Mangudadatu ang nasamsam sa bayan ng Ampatuan, kung saan sila ibinaon kasama ang mga sasakyan. Nawala ang ika-58 bangkay, pero natagpuan ang ilang piraso ng damit, ngipin, at pagkakakilanlan ng nadamay lang sa away pulitika ng mga Ampatuan at Mangudadatu.
Nasamsam din ang backhoe na ginamit sa pagbaon sa mga biktima. Kasama rin ang mga armas, basyo ng bala, at mga gulok na ginamit ng mga salarin.
Merong text messages at tape recordings ng usapan sa telepono ng mga babaing kaanak ni Esmail Mangudadatu na, kasama ang newsmen at lawyers, ay patungo sa kapitolyo para i-file ang kanyang certificate of candidacy para governor.
Natiyak na ang motibo sa maramihang pagpatay ay para pigilan ang filing ng candidacy ni Mangudadatu laban kay Andal Ampatuan Sr., ama ng angkan. Mara-ming saksi ang nagpapatunay na inutos ang massacre ng matandang Ampatuan sa mga anak na Andal Jr. at Zaldy, at mga pamangkin at pinsan.
Panunuhol, pananakot, at pagkalimot na lang ang lusot ng mga salarin. Sinikap na ngang suhulan ang backhoe driver para itanggi ang pagkaalam kung sino ang nag-utos ng pagbaon sa mga biktima. Ilang saksi na ang pinatay, at mga kamag-anak ang binantaan ang buhay. At naloko pa nila ang Malacañang na i-promote ang mga opisyal militar na nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan sa pinaplanong massacre.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).