BUHAY pa ba ang “camaraderie” sa Manila Police District? Ang samahan ng mga pulis Maynila na binuwisan ng buhay ng mga orihinal na pulis ng Metropolitan Police Department hanggang sa maging Western Police District na mapag-isa ang adhikain ng bawat pulis sa Manila’s Finest. Ito ang malalim na katanungan ng mga retarded este retire policemen ng MPD sa liderato ni Acting MPD director SSupt. Rolando Nana. Kasama na riyan ang pagkalabit kay PNP chief DGen. Alan Purisima na dati ring opisyal ng MPD. Sa nangyayari ngayon na parang mga manok na lamang ang buhay ng pulis sa Metro Manila na patraidor na pinapatay. Nangangailangan na ng mabilis na aksyon upang mahuli o maiganti ang mga ito. Labis ang panghihinayang ng mga retire policemen sa organisasyong camaraderie na itinatag ng mga orihinal na pulis Maynila na nakakalimutan na. Paano’y may ilang pulis ang pasok sa sindikato at pera na ang lakad kaya hindi na sila marunong lumingon sa mga kabaro. Katulad sa nangyayari ngayon sa MPD na nalalagas ang pulis sa kalye ngunit hanggang sa ngayon hindi nabibigyan ng katarungan.
Napatunayan ito nang barilin si PO3 Ronald Flores noong November 13 sa Legarda St. corner Recto, Quiapo, Manila. Lumalabas na contaminated na ang crime scene dahil nawawala ang 9mm firearms, magazine, two way radio at susi ng motorsiklo ni Flores. Kaya ang hinala ng mga imbestigador na pinag-interesan pa ng mga pulis na unang pumasok sa crime scene ang mga gamit ni Flores. Kahit itanong n’yo sa General Assignment mga suki! Palpak din ang deployment ni Supt. Aldrin Gran sa naturang lugar dahil abala ang kanyang mga pulis sa pagkolekta ng “tara” sa vendors at illegal vices sa Quiapo kaya walang pulis sa C.M. Recto. Tutulog-tulog din ang mga tauhan ni Supt. Julius Añonuevo ng Mendiola PCP dahil hindi nila narinig ang putukan na ilang metro lamang ang layo sa crime scene. Kaya tuloy ang banat ng aking mga kausap sa MPD. Balewala ang nakaukit sa hero’s wall ng MPD Headquarters na “Go Spread the Word Tell the Passers-By that in this Little World Men Knew how to Die “ kung ang pagkalagas ng pulis ay hindi mabigyan ng katarungan. Ganyan din ang sasapitin ng mga inosenteng sibilyan kung kalas-kalas ang camaraderrie. Get n’yo Gen. Purisima and SSupt. Nana. Abangan!