Vice mayor, binawalan nang kumandidato sa pagka-mayor

ALAM n’yo bang umi­yak ang isang sikat na Vice Mayor sa Metro Manila nang sabihan siyang huwag nang tu­makbong mayor sa 2016 elections?

Ayon sa aking bub­wit, happy birthday muna kay Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, Bro. Jojo Ellazar, Edwin Palacpac, Tonton Lansangan, Dr. Bebot Donato, Grace Simando, Sis. Tessie Martinez at Harry Dy ng Loadstar Trade Center.

Alam n’yo bang sobra ang sama ng loob ngayon ng isang Vice Mayor dahil hindi na matutupad ang pangako sa kanyang siya na ang susunod na kakandidatong mayor sa darating na eleksiyon?

Ayon sa aking bub­wit, parang batang nag-iiyak si Vice Mayor nang magsumbong ito sa kanyang “political patron.”

Noong nakalipas na eleksiyon ay lumipat kasi ng partido si Vice Mayor matapos panga­kuan na siya ang susunod na kakandidatong mayor sa kanilang siyudad.

Ngayong malapit na ang eleksiyon ay kinausap ng sikat at maimpluwensiyang mayor si Vice Mayor na tumakbo na lamang sa ibang posisyon. Kasi may balak pala si Mayor na magre-election.

Ayon sa aking bubwit, parang binagsakan ng langit si Vice Mayor nang sabihan siya ni Mayor. Nagmungkahi si Vice Mayor na kung hindi siya puwedeng tumakbong mayor ay kakandidato na lamang siya bilang kongresista.

Pero siya ay sinupla ni Mayor dahil meron na raw siyang susupor­tahang kandidato sa pagka-kongresista sa kanilang mga distrito.

Ang iminungkahi ni Mayor ay tumakbo na lamang sa pagka-senador si Vice Mayor. Subalit ito ay kanya namang tinanggihan dahil suntok daw sa buwan na manalo siya bilang senador.

Nag-iiyak na nagsumbong si Vice Mayor sa kanyang “political patron” na businessman. Sabi naman ng kanyang ninong, huwag kasing maging balimbing sa pulitika.

Ayon sa aking bub­wit, ang Vice Mayor na nag-iiyak dahil malabo na ang ambisyon nitong maging Mayor ay si Vice Mayor F. as in Failure.

 

Show comments