SA ibang bansa, may isang taxi driver kaming nakausap. Ang sabi niya ay “Are you Filipino?” Oo, sabi namin. Tapos nagkuwento na siya na Pilipina raw ang asawa niya. Ang Pinay daw ay mahilig makipag-tsismisan sa Central Market tuwing linggo. Sabi pa niya, mahilig daw magbasa ang Pinay ng tabloids para sa mga tsismis at balita.
Isa pang napansin ko sa abroad ay maraming OFW ang mukhang pagod at malungkot. Siguro malayo sa bansa, sa pamilya, at sa mahal sa buhay.
Ang mapapayo ko lang sa ating mga OFW’s ay dapat palakasin ang loob. Ito’y dahil hindi mabuti sa kalusugan ang laging malungkot.
Ano ang Broken Heart Syndrome?
Alam n’yo ba na may bagong sakit na nadiskubre? Ito’y tinatawag na “Broken Heart Syndrome” kung saan ang matinding kalungkutan o problema sa buhay ay maaaring magdulot ng panghihina ng puso.
Nalaman sa Mayo Clinic na kadalasan ay babae sa edad 40 pataas ang tinatamaan ng sakit. Ang sintomas ay pananakit ng dibdib na parang inaatake sa puso. Pero may magandang balita naman. Ayon din sa Mayo Clinic, karamihan sa pasyente ay nanunumbalik sa dating lakas pagkaraan ng apat na buwan. Ang ibig sabihin siguro ay kahit nasusugatan ang puso ng babae, ay may pag-asa pa itong maghilom.
Kaya sa mga kababayan dito at sa abroad, huwag masyadong malungkot. Okay lang iyan. Iyan kasi ang binigay sa atin ng Diyos. Siguro may plano Siya. Pagplanuhan at gawin ng mabuti ang trabaho. May liwanag din sa dulo ng pagsisikap. God bless po!