KAPAG tinutuligsa natin ang walang katapusang pagsisiyasat ng Senado kay Jejomar Binay, akala ng iba’y dumedepensa tayo sa Bise Presidente. Hindi po. Ang punto natin ay ang tila pamumulitika ng Senado para ibagsak ang popularidad ng isang prospective presidentiable na laging angat sa rating. Sabi mismo ni Sen. Nancy Binay, “kung inaakala ninuman na nagkasala ang tatay ko, ipagharap siya ng impeachment.”
Kung hindi puwedeng kasuhan si Binay sa mga kasalanan niya nang siya’y Mayor pa, may mga ibang isyu na puwede siyang ma-impeach tulad ng hindi pagdedeklara umano ng kayamanan sa kanyang SALN. Ayos din ang Senate probe sa ganyang kaso pero hindi hanggang sa puntong lumilitaw na ito’y namumulitika na. Kamakailan ay siniyasat din ng isang panel ng Senado si PNP Chief Alan Purisima pero hindi nagtagal ay sinabi ni Sen. Grace Poe na namumuno sa panel na may sapat nang batayan sa paggawa ng batas kaya idineklarang tapos na ang imbestigasyon. Kasunod nito’y nanawagan ang Senado sa Ombudsman na bilisan ang imbestigasyon sa kaso ni Purisima. “In aid of legislation” lang ang imbestigasyon ng Senado at hindi para humatol. Puwede ring magharap ng kaso sa Ombudsman na siyang may poder para magsampa ng kaso sa Sandiganbayan na hahatol at maggagawad ng parusa sa sinumang nagkakasalang opisyal ng pamahalaan.
May mga komento sa aking FaceBook mula sa aking mga FB buddies na gusto kong itampok ang ilan paborable man o bumabatikos sa akin.
Zandrex Sandoval: Sir. akala ko naman anti-corruption ka, hindi pala, kasi ipinagtatanggol mo pa si VP Binay samantalang nagdudumilat na ang katotohanan sa dami ng ebidensya at testigo. tapos ang mga senador na lumalaban sa corruption ang binabanatan mo. ayokong isipin na isa ka ring bayaran pero parang ganun? mga bulok na mediamen.
Ven Martillo: Lumalabas na parang ‘inquisition’ na ito. The inquiry might boomerang on them in 2016.
George Reyes: KOREK. Yan palagi ang sinasabi ko. I am not a Binay supporter but I think the man needs to defend himself in court of law not in the so called Senate hearing in aid of legislation.
Rebecca Cabral : Hayyyy! Imagine kung totoo ang mga reklamo at siya ang susunod na presidente. Kawawang Pilipinas. Pinatalsik nila si Marcos, para sila pa ang gagawa kung anong ginawa niya (Marcos).
Marami pang komento pero kapos na tayo sa espasyo kaya next time na lang.