SA ngitngit sa pagpupuntirya sa kanya, nag-opensiba nitong nakaraang linggo si Vice President Jejomar Binay. Taga-Nacionalista Party ang mga umuusig sa kanya na sina Sen. Alan Peter Cayetano at Antonio Trillanes IV tungkol sa umano’y P1.3-bilyong overprice sa Makati parking building at 350-ektaryang tagong yaman sa Batangas. Pero ani Binay, ang naghaharing Liberal Party ang tunay na may pakana. Ito raw ay dahil nagnanais si LP ex-president at Interior Sec. Mar Roxas kumandidato sa pagka-Presidente sa 2016, kung saan siya (Binay) ang nangunguna sa kasalukuyang surveys.
Pilit umanong pinababagsak ng LP ang popularidad niya, ani Binay. Pinagtatakpan din ang mga kapalpakan ng mga taga-LP sa Gabinete: lumalalang kriminalidad, nagmamahal na pagkain, katiwalian sa budget, kakapusan sa kuryente, at malimit na aksidente ng tren sa Metro Manila.
Napikon dito si President Noynoy Aquino, LP chairman emeritus. Aniya, kung ayaw ni Binay ang direksiyon ng Administrasyong P-Noy ay malaya siyang umalis sa Gabinete. Pati ang kaalyadong Rep. Walden Bello ay pinagbuntunan ng galit ni P-Noy. Ibinalita kasi ng kongresista na nirerepaso umano ni P-Noy ang mga taga-Gabinete, at mainam daw ito para sibakin ang mga tiwali hindi lang sa Oposisyon kundi pati sa Administrasyon. “Ikaw na kaya ang mag-Presidente,” singhal ni P-Noy.
Sa tingin ko, lalala ang bangayan sa loob ng Administrasyon. Hindi magtatagal, aalis si Binay para pamunuan ang Oposisyon. Ito’y lalo na kung laro-laro lang ang gagawing Senate investigation sa Iloilo Convention Center na umano’y in-overprice ni Senate President Franklin Drilon. Papanig kay Binay sina ex-President at Manila mayor Joseph Estrada, at mga senador na inuusig sa pork barrel.
Sa huli, lilitaw si Bongbong Marcos bilang pangatlong presidential candidate -- at malamang manalo. Magigi-sing na lang ang LP at si Binay na nakabalik na si Marcos -- na, teka nga pala, taga-NP.