MALUNGKOT daw ang mga prosecutors ng Ombudsman na umuusig kay Sen. Bong Revilla sa kasong plunder. Sa cross examination sa kanilang testigo mula sa Anti-Money Laundering Council na si Atty. Leigh Von Santos, lumalabas na walang pruweba na may inilipat na pork barrel fund si Janet Lim Napoles sa account ng Senador.
Sabi ni Atty. Santos sa cross examination ng mga abogado ni Revilla, sinuri ng kanyang grupo ang mga cash na idineposito sa account ni Revilla at walang nakitang record para suportahan ang akusasyon na naglipat doon ng pondo si Napoles. Naganap ito sa October 23 hearing sa kaso ni Revilla. Aba, kapag walang nakitang ebidensya, malamang payagang magpiyansa ang Senador at yunay na merry ang kanyang Christmas kapag nagkataon.
Kahit may pumasok na pera pero hangga’t di napapatunayan na galing ito sa JLN Corp. ni Napoles, walang probable cause at walang dahilan para pigilin sa kulungan si Revilla.
Puro cash ang tinanggap ng legislative officer ni Revilla na si Atty. Richard Cambe, natural walang mga bank record na makapagsasabi kung saan nanggaling ang mga ito, anang abogado mula sa AMLC. Oo naman. Walang paper trail. Nang tanungin si Santos kung may mga record na nagpapakitang ang pera ay galing kay Napoles, ang sagot niya ay “wala.”
“Wala namang bank transfer from JLN Corp. to my account. Wala talaga transaction from JLN sa account ko… I’m very confident mananalo tayo sa kasong ito,” ang kampanteng pahayag ni Senador Revilla na parang nabunutan daw ng tinik. Sabi ni Revilla, kung marami man siyang pera, ito’y dahil isa siyang sikat na aktor na ang mga pelikula ay laging patok sa takilya. Mantakin nga naman na 20-taon siyang namayagpag bilang popular na action hero.
Kaya siguro hiniling ng mga abogado ng Ombudsman na magpalabas ang Sandigan ng writ of preliminary attachment laban sa kayamanan ng Senador bago pa man maaksyonan ang petition for bail ni Revilla.
Ibig kasi nilang tiyakin na habang nililitis si Revilla, hindi niya magagalaw ang sarili niyang pera na ng P224.5 milyon. Sabi nga niya: “I have not been proven guilty by the Sandiganbayan and yet the lawyers of the Ombudsman are now moving heaven and earth to garnish my assets, which are the legitimate fruits of my labor as an action star of more than 20 years.”