Pagpapahalaga sa mga yumao

SA nagdaang Undas ay muling nasaksihan ang kultura ng mga Pilipino na pagbibigay ng napakataas na pagpa­pahalaga sa mga yumaong mahal sa buhay (mga kapa­milya, kamag-anak, kaibigan at iba pa), at sa espesyal na okasyon na ito ay nag-alay tayo ng taimtim na dasal para sa kanila.

Lubhang nakalulungkot na mawala sa ating piling ang mga tao na nakasama natin sa kasiyahan, pakikipagsapalaran, pagpupursige, at iba pang mga importante at di-malilimutang yugto ng ating buhay.

Nakatataba rin ng puso na isiping naging mahalagang bahagi sila ng buhay natin at masarap isipin at alalahanin ang kanilang mga ngiti, pagtawa, pati ang mga bagay o aral na natutunan natin mula sa kanila.

Nagiging madamdamin naman ang pag-alaala at pagdarasal para sa mga namatay dahil sa inhustisya, krimen at sakuna na marami ay hindi pa rin nakakamit ang katarungan at katiwasayan ng kaluluwa hanggang ngayon.

Pero sa kabuuan siyempre ay magandang isipin natin na sa kanilang naging pagyao ay naroon na sila ngayon sa piling ng Dakilang Lumikha.

Naging bahagi na rin ng kultura nating mga Pilipino ang sama-samang pag-aalay ng dasal para sa mga yumao, kaya itinuring na rin ang Undas bilang panahon ng “reunion” ng mga magkakamag-anak at magkakaibigan laluna yung matagal nang hindi nagkikita at nagkakausap.

Alam naman natin na ang okasyong ito ay nagsisilbing pagkakataon upang muling magkasama-sama at magkausap ang mga magkakamag-anak na nasa magkakalayong lugar.

Sa kabuuan ay itinuturing naman na prayoridad ang pag-aalay ng taimtin na panalangin para sa mga yumao, at pati rin ang pag-alala sa mga nagdaang masasayang panahon noong kapiling pa natin sila.

Kaisa ang buong pamilya Estrada ng sambayanang Pili­pino sa taunang makabuluhang pag-obserba sa All Saints’ Day at All Souls’ Day, laluna sa panalangin na nawa, ang mga yumaong mahal natin ay naroon na sa kalangitan at nasa pagkandili na ng ating Panginoon.

Show comments