‘Ipatutumba kita!?’

NASIMULAN NG BATA, dumating hanggang City Administrator, uma­bot kay Mayor, pati Senador nabulabog na rin. Ganito lumaki ang sunog ng usaping ito.  

Ika-11 ng Oktubre 2014…Isang galit na lalaki ang kumopontra sa isang ginang at pasigaw na sinabi, “Ikaw ba ang may-ari ng motor?”

Bago pa siya makasagot sunod na sinabi nito na parang handa ng makipagbabagan.

“Hindi mo ba alam na walang kinalaman ang anak ko sa pagkasira ng motor mo! Yang piso net mo ang sisihin mo,” pasigaw umanong sabi nito.

Ang lalaking umano’y nanduduro ay si Renato Vasquez.

“Hindi mo ba alam na empleyado ako ng City Hall ng San Juan? Kayang-kaya kitang ipatumba,” pambabanta umano pa nito.

Ganito raw ang naging takbo ng usapan ni Annabelle “Anna” Tuaño, 40 taong gulang, nakatira sa Brgy. Balong Bato, San Juan at ng nire­reklamong si Renato Vasquez na ilang bahay lang ang layo sa kanila. 

Kwento ni  Anna nakaparada ang kanilang motor noong Oktubre 11, 2014 sa harapan ng kanilang bahay. May mga naglalarong mga bata kasama ang pitong taong gulang na anak ni Renato at sinita niya ang mga ito na huwag masyadong lumapit sa motor.

“Nung una nakita ko kasi na nagtutulakan sila. Nung huli yung anak na lang ni Renato. Ilang sandali pa narinig ko na lang na parang may kumalabog,” pahayag ni Anna.

Pagdungaw niya sa pintuan nakita niyang nakadagan sa motorsiklo ang anak ni Renato.

Hiniling ni Anna sa bata na ipatawag ang magulang nito upang makapag-usap sila. Tumakbo ito kasunod ang mga kalaro.

Subalit, ang mga kalaro na lamang ang bumalik at sinabi sa kanya na hindi raw pupunta ang magulang at siya ang kailangang magpunta sa bahay nito.

“Dun ko lang nalaman na anak siya ni Renato Vasquez. Sinamahan ako ng mga bata sa bahay nila. Pagdating dun galit ang misis ni Renato na si Sol,” ayon kay Anna.

Sinabi niya dito ang ginawa ng anak. Ipinaalam niya rin na may gasgas ang kaliwang side mirror ng motor at maging ang kaliwang katawan ay may mga gasgas.

“Napansin ko na hindi kami magkakaayos dahil mataas ang tono ng boses niya. Nagpunta na lang ako ng barangay para ipa-blotter. Hintayin na lang daw ang patawag,” salaysay ni Anna.

May isang barangay tanod na nagsabi sa kanya na ang asawa ni Sol na si Renato ay nagtatrabaho sa City Hall ng San Juan.

Pagkauwi niya ng bahay ilang oras lang dumating itong si Renato at dinuro-duro umano siya. Sinabihan siya ng hindi magagandang salita.

“Tinanong niya pa ako kung may permit ako sa piso net. Sumagot ako na may barangay permit ako,” sabi ni Anna.

Tinakot pa umano ito at sinabing bawal daw yang piso net Play Station 2.

Sumagot naman si Anna na may permit siya galing sa baranggay at kay Kapitan.

 Walang kwenta yang barangay permit mo. Bakit ka pinayagan ni Kapitan? Kakausapin ko yang si Kapitan,” matapang umanong sumagot sa kanya ni Renato.

Makalipas ang dalawang araw may nagpunta na taga City Hall sa kanila. Ang nakausap ay ang kanyang anak at ayon sa bumisita bawal umano ang piso net sa kanilang lugar.

“Bilin nila pumunta ako sa City Hall at hanapin ko raw si Reynaldo Castañeda head ng Business Permit and Licensing Office (BPLO),” pahayag ni Anna.

Dumiretso siya sa opisina ni Mayor Guia Gomez. Pinasulat siya ng salaysay at ilang sandali ay nakita niyang pumasok sina City Administrator Atty. Ranulfo Dacalos, sumunod si Reynaldo at huli si Castañeda.

“Lumabas yung sekretarya at sabi nakausap na raw yung mga tao. Inayos ko na lang ang requirements para magkaroon ako ng permit,” ayon kay Anna.

Itinampok namin sa aming programang “CALVENTO FILES” sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (Lunes-Biyernes 2:30-4:00pm at Sabado 11:00am-12nn) ang kwentong ito ni Anna.

PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag kinapanayam namin sa aming programa si City Administrator Atty. Ranulfo Dacalos. Inamin niya na nagtatrabaho sa kanya bilang drayber si Renato.

Labing tatlong taon na ito sa kanya. Tinanong niya daw si Renato kung anong gusot ang ginawa nito sa kanilang barangay.

“May motor daw na nasira ng kanyang anak. Nagpunta raw siya sa may-ari para ipagawa na lang pero ang sabi ang may-ari na daw magpapagawa sa kilala nilang talyer. Dun na yata nagsimula ang sagutan,” pahayag ni Atty. Dacalos.

Wala raw siyang alam tungkol sa mga sinabi ni Renato na ipatutumba niya ang ginang.

 Nangako rin si Atty. Dacalos na tatawagan niya ang kapitan ng barangay para ipatawag ang magkabilang panig.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil bata (pitong taong gulang) ang nakatumba ng motor hindi sa maaring kasuhan dahil saklaw siya ng Juvenille Justice Welfare Law.

Kung napag-usapan lang ng mabuti at hindi nagkainitan sina Renato at Anna hindi na sana humaba ito.

Maliban kay Atty. Dacalos, tinawagan ko si kaibigang Senator JV Ejercito na matagal na nagsilbing Mayor ng San Juan.

Kilala niya si Renato at parang wala sa ugali nito na magsasabi na magpapatumba siya ng babae.

Ganun pa man sabi ni Sen. JV na matapos naming mag-usap tatawag siya sa munisipyo at pati na rin sa Kapitan ng Barangay para maayos ito.

Binalikan kami ng tawag ng batang senador at sinabing mismong si Atty. Dacalos ang nag-alok na ipaayos ang motor subalit naging ‘hysterical’ itong si Anna. Sabi ni Senator JV na iniutos niya na ayusin na lamang ang lahat.

Para sa magandang balita sa pagtatapos ng usapin na ito, matapos magtungo sa amin si Anna ay nagtakda ang barangay ng paghaharap nila ni Renato.

Nagkasundo sila na ipapaayos ni Renato ang motor at si Anna naman ay handang kalimutan ang umano’y pagbabanta sa kanya.

Mas mainam na lang yata na MAGPATUMBA na lang ng baka (corned beef) at pagsaluhan nilang magkakapit bahay.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta lamang sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig City. Maari kayong magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments