BAGSAK, kulelat, pinakamababa ang Senado sa lahat ng sangay ng pamahalaan kung aspeto ng tiwala ng taumbayan ang pagbabatayan.
Sumadsad din ang trust rating ng Kongreso kung saan lamang lang ito ng tagdalawang puntos sa Senado base sa sagot ng general public na 6% at 9% naman ang informed public.
Sa madaling sabi, mismong ang gobyerno ang pinaka hindi pinagkakatiwalaan ng publiko sa lahat ng mga institusyon at sektor sa bansa.
Hindi ito tsismis. Hindi ito imbento. Ito ang resulta ng survey ng Philippine Trust Index (PTI) nitong nakaraang araw.
Ayon sa PTI, isa sa mga dahilan kung bakit hindi pumabor ang publiko sa Senado at Kongreso, ang isyu ng kontrobersyal na Priority Development Assistance Fund (PDAF) na kilala rin sa tawag na pork barrel.
Ito ‘yung ibinasura nang kontrobersiyal na “suhol” ng mga senador at kongresista. Inabuso ang paggamit. Kwestyunable at maanomalya ang mga pinaglaanang “proyekto.”
Nabuking lang nang lumutang ang isang Benhur Luy at itinuturo ang umano’y utak ng PDAF Scam na si Janet Napoles. Dito nawala at nasira ang tiwala at nagalit ang taumbayan sa mga nakaupo sa pamahalaan.
Tulad ng lagi kong sinasabi sa aking programang BITAG Live, napakahalaga ng tiwala. Hindi ito ipinagkakaloob, hindi hinihingi, hindi nakukuha at hindi rin maaaring ilipat o sa salitang englis non-transferable.
Ang tiwala ay nakakamtan base sa nakikita, nararamdaman at resulta ayon na rin sa sinasabi, pinaggagawa o ipinangako ng isang lider o namumuno.
Anuman ang magiging kahihinatnan, tumpak man o palpak, ito ang magiging basehan ng respeto at tiwala ng publiko.
Samantala, sa resulta ng survey ng PTI, hindi layo ang grado ng Palasyo, Korte Suprema, mga gabinete at mga lokal na pamahalaan.
Pinaka-pinagkakatiwalaan naman ng mga Pinoy ang sim-bahan, pangalawa ang akademya, media kung saan nangu-nguna ang telebisyon, business sector at panghuli ang online.
Hangga’t hindi naayos ang mukha ng mga nabanggit na sangay ng pamahalaan partikular ang Senado at Kongreso, hindi maibabalik ang tiwala at respeto ng taumbayan sa gobyerno.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.