P250-M ransom: 10 maleta ng cash

“WALANG labis, walang kulang.” ‘Yan ang palalong pahayag ng Abu Sayyaf sa Sulu nang palayain nu’ng isang Biyernes ang mag-asawang Aleman na kinidnap nila. Tinutukoy ng mga bandido ang tinanggap nila na ransom: tumataginting na P250 milyon. Sa balita, kapwa-Aleman  ang nagbayad ng pera para hindi pugutan ang dalawang bihag. Dahil du’n, ipinangangamba na gagamitin nila ang malaking halaga para bumili pa ng armas, at suhulan ang mga tumutugis na militar na palusutin sila.

Ipagpalagay na binayaran nga sila ng P250 milyon, paano ginawa ‘yon? Siyempre, dapat cash ang ransom, dahil kung tseke at pinakawalan na ang hostages, hindi nila ‘yun maipapa-cash. At siyempre buo ang halaga, hindi hulugan, dahil kaliwaan ang transaksiyon: pera para sa dalawang buhay. Pero ang nakapagtataka, paano tatakbo pabalik sa kuta sa gubat ang mga bandido, habang ka­ladkad ang mabigat na ransom?

Kuwentahin: ang weight ng P1 milyong cash, tig-P1000 bills, ay isang kilo. Samakatuwid, ang P250 milyon ay 250 kilos. Samantala, 25 kilos ang kasya sa isang malaking maleta. Kung gan’un, 10 maleta ang buong P250 milyon. Maitatakbo ba ng mga bandido paakyat ng bundok ang 10 mabibigat na maleta, habang nakikipagbarilan sa mga tumutugis?

Isa lang ang paraan para mangyari ‘yun: pinalusot ang mga Abu Sayyaf. Sabi nga ng tagapag-salita nila na si Abu Rami, ‘yung negotiator na Aleman lang ang nakipagkita sa kanila. Pinalayo nila ang mga sundalo sa bantang papatayin ang hostages.

Kung totoo ito, isa lang ang dapat na command sa mga tumutugis na sundalo: bawiin at sa kanila na ang P250 milyon -- basta ubusin lang ang Abu Sayyaf agad-agad.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

Show comments