‘Gumimik si Lolo’

ANG PUNONG MAY GULANG NA, bunutin mo sa lupa at ilipat mo, ay maaring  ikalanta nito. Subalit dahil ito ay matibay na, kaya niyang umusbong muli makalipas ang ilang linggo o buwan mula sa kanyang bagong kinalalagyan.

“Naiiyak ako sa tuwing naiisip kong nawawala siya, nag-iisang biyenan ko na lang yun,” sabi ni ‘Liling’.

Mula ng mamatay ang biyenang babae ni Salvacion “Liling” Domingo nung Hunyo 2013, naisipan nila ng asawang si Rennie o “Rene” na kunin na ang kanyang biyenang lalake na si Salvador Domingo Sr. o “Budok”, 78 anyos.

“Nagpabalik-balik siya sa Romblon at Maynila. Abril nasa Romblon si Tatay bumalik siya sa amin nitong Setyembre na,” kwento ni Liling.

Dalawampung taon ng nakatira sa Commonwealth ang mag-asawang Liling at Rene. Meron silang dalawang anak.

Si Liling at Rene ay parehong nagtatrabaho sa Post Office. Postman sa central office si Rene. Teller naman si Liling.

Silang dalawa na lang ng mister ang magkasama sa bahay. May asawa na kasi ang kanilang panganay, seaman naman ang bunso.

“Nangungupahan ang panganay ko malapit lang din sa’min,” ani Liling.

Nang bumalik sa kanila ang biyenan, madalas ang kasama nila ang manugang si Alexander Cainglit o “Jhong”.

Hindi naman bantayin si Budok. Sa edad niyang 78 taong gulang malakas pa ito. Nag-aalaga pa nga ito ng manok panabong na nasa bahay ng kanyang anak.

Kwento ni Liling, nakaugalian na ng kanyang  biyenan na lumabas ng bahay tuwing umaga para bisitahin at pakainin ang kanyang tatlong manok panabong.

“Dalawang kanto lang ang layo ng bahay namin sa bahay ng anak ko kaya napupuntahan pa niya,” sabi ni Liling.

Sa basketball court din siya madalas pumunta at nanood sa mga naglalaro. Sa ganitong paraan nalilibang ni Budok ang kanyang sarili.

“Dun lang siya sa’min nakakapunta. Kapag nagmo-mall naman kami lagi siyang kasama,” sabi ni Liling.

Nitong ika-28 ng Setyembre magkasama pa sila ni Budok at buong pamil­ya na kumain dahil selebrasyon ng kaarawan ng ika-52 kaarawan ni Liling.

“Ang saya-saya pa namin. Kinuhaan pa namin siya ng larawan,” kwento ni Liling.

Ika-16 ng Oktubre 2014, pag-uwi ni Liling galing sa Post Office binalita na lang sa kanya ng anak na nawawala ang kanyang  biyenan.

Ayon sa kasambahay ng anak nila, alas nuwebe ng umaga nakita pa nila si Budok na lumabas ng bahay.

Suot nito ang kanyang puting t-shirt, shorts, at berdeng sombrero. Naka tsinelas lang daw ito kaya’t ang buong akala nila pupunta lang ito sa court para manuod ng laro.     

Ilang sandali napansin nilang bukas ang pinto ng bahay. Pumasok sila sa loob, baka umuwi na si Budok subalit pagpasok nila wala siya dun.

Kinabahan sila at agad siyang pinuntahan sa Unit 5 Court subalit wala dun si Budok.

“Inikot namin lahat ng pwede niyang puntahan pero bigo kaming makita siya,” ani Liling.

Nagpatulong na sila sa Barangay sa paghahanap. May nakapagsabi sa kanilang isang kapitbahay na si “Jay-Jay” na habang nagmo-motor siya nakita niya ito papunta sa gawi ng Commission on Audit (COA). Malapit lang din sa kanilang bahay. Pumunta sila dun subalit wala naman si Budok.

“Ang akala ni Jay-Jay bibili ng pagkain ng manok kaya ‘di niya pinansin,” ayon kay Liling.

Buong araw nilang nilibot ang kahabaan ng Commonwealth. Nagtanong sila sa ‘barker’ sa Ever mall. Sinabi nitong may nakita siyang matandang nakasuot ng sombrero na dumaan dun isang oras na ang nakalipas.

Pakiramdam nila Liling naligaw ang biyenan. Nung araw daw kasi, bagong dating din siya ng Maynila nun, nagpresenta itong susunduin ang kanyang mga apo sa eskwela ilang oras na ang nagdaan hindi pa ito bumabalik.

“Mga dalawang oras o higit saka umuwi sa Tatay, naligaw daw siya,” ani Liling.

Walang ibang maisip na paraan sina Liling para madaling hanapin si Budok kundi ang ipanawagan ito sa radyo kaya’t nagdesisyon siyang magpunta sa aming tanggapan nung ika-17 ng Oktubre 2014.

“Pinakalat na namin ang larawan ni Tatay, pinaskil sa mga pader sa Commonwealth pero wala pa ring makapagturo kung nasaan na ba talaga siya,” huling pananalita ni Liling.

Itinampok namin si Liling sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

Dito ipinanawagan niya ang pagkakawala ng biyenang si Savador Domingo Sr. o Budok.

Ilang araw matapos nito nakatanggap muli kami ng tawag kay Liling nung ika-20 ngayong buwan at masaya niyang binalita sa amin na naibalik na sa kanila si Budok.

Nakitang pagala-gala si Budok sa Brgy. Gumaok, Caloocan City nung nasabing araw bandang 10:00AM at dahil alam nilang hinahanap nga itong si Budok hinatid siya sa Brgy. Commonwealth, Purok 14, Quezon City bandang 6:00 ng gabi.

“Naligaw nga po ang  biyenan ko. Maraming salamat po CALVENTO FILES at sa lahat ng tumulong para mahanap si Tatay Budok,” sabi ni Liling.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, natutuwa kami at mabilis na nakita si Budok sa tulong na rin ng ating mga kababayang nakakita at nagbalik sa kanya.

Sa pagtatapos nais ko lamang ipaalala na ang ating mga kamag-anak na may edad na ay hindi sapat na pinakakain natin, may nagbabantay sa kanila, ang kailangan ay kalinga at taong makakausap sa sandaling sila’y nalulumbay.

Bigyan natin sila ng magagawa upang hindi nila isipin na walang silbi ang kanilang buhay. Hindi naman aalis yan ng walang dahilan.

Marahil kaya siya gumala ay upang makahanp ng magiging kaibigan at sa kanyang paglisan inabot siya ng kanyang ‘senior moment’ at hindi na niya mahanap ang kanyang daang pabalik sa kanilang bahay.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854.  Landline 6387285 / 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments