TUTOL si President Noynoy Aquino sa panawagang buwagin na ang Visiting Forces Agreement (VFA). Sabi niya nang magsalita sa ika-70 anibersaryo ng World War 2 Leyte Gulf landing, bakit kailangang buwagin ang Visiting Forces Agreement gayung ang kasalanan ng isa ay hindi naman kasalanan ng lahat. May kaugnayan iyon sa kaso ng pinatay na transgender sa Olongapo City na ang suspect ay isang sundalong Kano. Wala raw dahilan para buwagin ang VFA gaya nang panawagan ng ilang kongresista. Hindi lamang si P-Noy ang tutol sa pagbuwag sa VFA kundi karamihan sa mga mambabatas. Sabi ng mga mambabatas, kailangan daw ang VFA para sa seguridad ng bansa lalo pa’t may iringan sa West Philippine Sea. Kailangan daw ang VFA para may magtatanggol sakali’t lusubin ng mga kaaway.
May katwiran naman si P-Noy at mga mambabatas para tutulan ang pagbuwag sa VFA. Mahalaga ang tulong ng mga Kano kapag sinalakay ng kaaway o magkaroon ng komprontasyon. Umaasa pa rin ang Presidente na hindi pababayaan ng US ang Pilipinas sa bingit ng kaguluhan. Subalit dapat din naman siyang kumilos para maprotektahan ang mga kababayan. Isa sa dapat gawin ay rebisahin ang isinasaad ng VFA ukol sa mga sundalong Kano na makagagawa ng kasalanan habang nasa bansa at nagsasagawa ng military exercises.
Nakasaad sa VFA na ang mga sundalong Kano na makagagawa ng kasalanan ay hindi maaaring maikulong kapag napatunayan sa regular jail kundi dapat ilagay sa custody ng US Embassy. Nakasaad din na dapat ay isampa agad ang kaso sa sundalong Kano dahil mawawalan ito ng saysay kapag tumagal o hindi agarang i-file.
Anong klaseng kasunduan mayroon ang VFA at pawang pabor sa sundalo? Paano naman ang mga ginahasa, minolestiya o pinatay na Pilipino? Halimbawa ay ang transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na pinatay umano ni PFC Joseph Scott Pemberton sa isang motel. Hanggang ngayon, hindi pa pinalulutang si Pemberton. Hindi ito dumalo sa pagdinig kahapon. Ang apat na sundalong witness naman ay nakaalis na ng bansa.
Kung ayaw buwagin ang VFA, iutos naman na rebyuhin ito sapagkat maraming “butas”. Kawawa ang mga susunod pang biktima ng mga sundalong Kano.