NAKADIDISMAYA ang balita sa Bohol. Isang taon mula nang yanigin ng magnitude 7.2 earthquake, hindi pa nasisimulang itayo ang munisipyo ng 20 winasak na bayan. Wala pa raw kasi silang building plans, anang mayors na nakipag-meeting kay DILG Sec. Mar Roxas. Ito’y bagamat naglaan na ang Malacañang ng P2.6 bilyon para sa rehabilitasyon at pagtayo ng 1,066 maliliit at malalaking gusali na gumuho o nalamatan.
Natural lang mainis si Roxas. Meron namang provincial at city engineers sa Bohol at capital na Tagbilaran. Bukod pa ang personnel ng Dept. of Public Works and Highways sa bawat congressional district at sa Central Visayas region. At tiyak merong mahuhusay na private architects at designers sa isla. Bakit hindi sila pinatatrabaho?
Mabigat ang implikasyon ng atrasadong trabaho, ani Roxas. Kung hindi pa kinukumpuni ang waterworks, halimbawa, e di marumi ang tubig na iniinom ng mamamayan, kung hindi mahal dahil naka-bote.
Nangako tuloy si Roxas na magpapadala ng 15 enhinyero. Tutulungan pa niya ang mayors na gumawa ng work plans. Kailangan kasi nito bago pondohan ang anomang proyekto. Sa kabilang dako, namihasa na ang opisyales sa kawalang-kilos miski sa emergency.
Hindi lang local officials ang mababagal. Maysala rin ang national:
• Sa Leyte, Samar, Cebu, at Panay na tinamaan ng Super Typhoon Yolanda nu’ng Nob., nakatira pa rin sa temporary shelters ang mga nawalan ng bahay.
• Sa Zamboanga City iang taon mula nang sunugin ng mga huramentadong rebeldeng Moro ang tatlong bara-ngay, nasa tent cities pa rin ang mga biktima.
• Sa Metro Manila halos araw-araw ang aksidente at pagtirik ng MRT-3, pero hindi pa rin ito kinukumpuni ng Dept. of Transportation.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).