Modernong Victory Lacson Underpass sa Maynila

UMANI ng papuri ang isa na namang bagong proyekto ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa ilalim ng kanyang Urban Renewal program.

Ito ay ang Victory Lacson Underpass sa Quiapo na pormal na binuksan at pinasinayaan noong Martes matapos isailalim sa komprehensibong renobasyon sa nagdaang 10 buwan.

Ang Lacson Underpass na binuksan sa publiko noong 1960s ang kauna-unahang underground crossing sa Pilipinas. Ito ay pinasimulang ipagawa ni Manila Mayor Arsenio Lacson at natapos sa panahon ni Mayor Antonio Villegas.

Ayon kay Mayor Erap, “The underpass… reflected the visionary leadership of the city’s leaders back then. However, like many other landmarks in Manila, it has also seemingly fallen into neglect. Previous administrations would tidy it up but it would again fall into disrepair.”

Dahil sa kapabayaan ay mahabang panahon ding naging “notorious” ang nasabing lugar at kinatakutan at iniwasan ng publiko dahil ito ay madilim, marumi, mabaho at naging pugad ng masasamang-loob.

Pero ang bagong Victory Lacson Underpass ay para na ngayong isang mall na kaaya-ayang puntahan at halos nagsisilbi na ring isang bagong commercial area sa lungsod. Ito ay mayroong 26 regular stalls, 105 micro-retail stalls o thrift shops, 36 small kiosks, 19 food carts at apat na automated teller machines (ATM).

Nilagyan ito ng glass doors sa lahat ng anim na entrance nito sa Quezon Boulevard, Hidalgo Street, Arlegui Street at Quiapo Church.

Masisiyahan ang publiko sa malamig na kapaligiran doon dahil sa air-conditioning system. Ang mga comfort room ay air-conditioned din at may maayos na ilaw, mo­der­nong motion-sensing na mga gripo, at naka-tiles ang sahig at mga pader.

Tuloy-tuloy din ang pagpapatrulya ng mga security guard at pulis doon.

Ang pamahalaang lungsod ng Maynila ay hindi gumastos sa nasabing proyekto. Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng joint venture agreement sa White Scope Property Management Inc., na gumawa ng Victory Mall chain sa mga lungsod ng Caloocan, Pasay, at Antipolo. Base sa kasunduan, ang naturang kumpanya ang mangangasiwa sa proyekto at gagastos sa maintenance nito sa loob ng 25 taon.

Show comments