Handa na ba tayo?

NANGAKO si President Aquino na gagawin ng gobyerno ang lahat para maging ligtas ang bansa sa banta ng Ebola. Unti-unting kumakalat na ang Ebola, isang peligrosong sakit na sa ngayon ay wala pang gamot o bakuna. Sa kasalukuyan ay may nagaganap na pagkalat sa ilang bansa sa Africa, pero tila kumakalat na rin dahil na rin sa pagbiyahe ng ilang tao na may Ebola na pero wala pang sintomas. Sa America, naitala na ang unang kaso ng Ebola. Umuwi siya mula Liberia. Nagkalagnat, pero tila hindi ito masyadong pinansin ng ospital at pinauwi. Nang lumala ang kundisyon, bumalik sa ospital at nalamang may Ebola na. Namatay siya pagkalipas ng 10 araw. Ngayon, pati ang nurse na nag-alaga sa kanya ay may Ebola na rin.

Ang pagkalat ng Ebola ay sa pamamagitan ng tinatawag na “droplet infection”, o mula sa dugo, laway, sipon, dumi, ihi at ano pang mga body fluid na mahawakan. Kaya ang mga madalas mahawa ay ang mga nag-aalaga sa mga pasyenteng may Ebola dahil sila ang malapit sa kanila. Ang namatay sa Amerika ay nag-alaga ng ilang pasyente sa Liberia. Nagsisimula ang sakit sa mataas na lagnat. Susundan ng masakit na lalamunan, sakit ng ulo at katawan. Habang tumatagal, mga mas malalang sintomas na ang makikita tulad ng pagsusuka, pagdudumi at mga sintomas na may kaugnayan sa atay at bato. Mauuwi ito sa pagdurugo sa ilang bahagi ng katawan.

Kapag nalamang may Ebola ang isang tao, kailangan nitong madala sa ospital at bantayan nang husto. Ang paggamot nito ay ayon sa mga sintomas na lumalabas. Mataas ang mortality rate ng Ebola, pero may mga nakakaligtas. Ayon sa WHO, nasa 50 porsyento ng mga nagkaka-Ebola ang mamamatay, pero maaaring mas mataas pa. Kaya mahalaga na malaman kaagad kung may sakit na nga o wala pa.

Higit 10 milyong Pilipino ang nagtatrabaho sa ibang bansa, kasama na ang mga bansa sa Africa. Kaya naman binabantayan nang husto ang mga bumabalik na kababayan natin. Kapag nilagnat, alamin kaagad kung saan galing, kung sino na ang nakausap o nakasama bago kumalat nang husto. Hindi mahihirapan kumalat ang Ebola sa bansa dahil na rin sa maling populasyon ng mahihirap na sama-sama sa isang tirahan.

Maraming bansa ang dismayado sa pagtrato ng mundo sa Ebola. Ang pakiramdam ay dahil nasa Africa lang, hindi na masyadong binibigyan ng pansin, pati na rin ng tulong. Pero ngayong umabot na sa Amerika, magbago na kaya ito? Sa Pilipinas naman, ang tanong ay handa na ba tayo kung sakaling makapasok na ang Ebola? Sana nga.

Show comments