‘Paano pauwi?’

MALIGALIG… palakad-lakad na nakaangat ang balikat, ‘di malaman kung saang direksyon pupunta.

Ganito unang sinumpong ang nakababatang kapatid ni Rosing na si ‘Max’. Ilang beses na ito naglabas-masok sa National Center for Mental Health (NCMH), Mandaluyong City.

“May panahong matino siya pero kapag sinumpong talaga ambulansiya na dala namin, kailangan niya pang talian maturukan lang…” sabi ni Rosing.

Pangatlo sa limang magkakapatid si Rosita ‘Rosing’ Nolasco-Musa, 73 taong gulang. Bunso naman ang 64 anyos na si Teofilo Nolasco o “Max”, binata.

Tubong Ilocus Sur ang pamilya Nolasco subalit sa Maynila na halos tumira itong si Rosing dahil nagtrabaho siya bilang kusinera.

Taong 1974, nang makilala niya si Melchor Musa, trabahador sa pabrika ng kanyang amo. Nagpakasal sina Rosing at Melchor, tumuloy sila sa Paranaque at nagkaroon ng dalawang anak.

“Ang bunso naming si Max, may trabaho naman nun sa pagawaan ng kutson sa Parañaque rin,” kwento ni Rosing.

Sa pabrika na tumutuloy si Max, kundi naman sa mga kaibigan siya natutulog. Likas na mabarkada raw ito at mabisyo. Inom at sigarilyo.

Isang araw, inuwi na lang ito sa kanilang bahay ng mga tauhan ng kumpanyang kanyang pinagtatrabahuhan.

“Naglalakad daw ito ng walang patutunguhan. Kaya sinakay siya sa loob ng delivery truck at diniretso na sa mental hospital,” pagbabalik tanaw ni Rosing.

Limang araw na nanatili sa loob si Max. Matapos ineksyunan ng pampakalma at painumin ng gamot inuwi na ang kapatid. Umigi ang lagay nito at nakabalik pa raw sa pagtatrabaho subalit pasumpong-sumpong pa rin.

Kapag umuwi ito bigla ng bahay, hindi na nagtrabaho, balisa’t kain-tulog na lang susumpungin na naman daw ang kapatid.

“Sabi ng doktor maaring nakuha ni Max ang pagkawala sa sarili dahil sa paggamit ng shabu. Nalulong din kasi sa bisyo ang kapatid ko,” ayon kay Rosing.

Habang tumatagal natatangap na nila Rosing na mahirap ng bumalik sa dating pag-iisip si Max. Lalo raw kasi itong lumalala.

Nitong huli naghahamon na raw ito ng away hawak ang isang kahoy. Maging ang asawa ng kanyang pamangkin napalo na rin niya ng isang bote ng softdrinks na may laman.

“Iniintindi na lang namin siya kahit ganun ang kundisyon niya dahil wala naman siyang ibang pamilya kami lang,” ani Rosing.

Paghihit ng yosi at pag-inom ng softdrinks ang nakakapagpakalma kay Max maliban sa tabletang kanyang iniinom araw-araw.

“Kapag pinigilan mo siyang magsigarilyo talaga namang nagwawala siya. Kaya minsang pinapangutang na lang namin ang pangyosi niya. Yung gamot niya kinakalahati pa niya ayaw niyang inumin ng buo,” wika ni Rosing.

Isang beses kada buwan bumabalik si Max sa NCMH para magpaturok at makabili ng gamot.

Nung mga nakaraang buwan, kinausap si Rosing ng doktor at sinabing kada dalawang buwan na niya pwedeng pabalikin si Max.

Agosto 20, 2014… araw ng Miyerkules, humabol sila Rosing at Max sa pila sa NCMH. Bandang 4:30PM na sila nakarating dun.

Ayon kay Rosing, ala una y’ medya na sila nakadelihensya ng pera pambili ng gamot kaya inabot na sila ng hapon.

Mabilis na pumila si Rosing sa bilihan ng gamot at iniwan si Max sa labas ng kwarto kung saan siya dapat iineksiyunan.

“Mama, may magpapaturok pa po ah... nasa labas lang pipila lang ako sandali,” bilin umano niya sa nakatalikod na lalaking nasa loob ng kwarto.

Pagbalik ni Rosing wala na raw itong si Max.

“Nasaan na po kapatid ko?” tanong ni Rosing.

Sinabi sa kanyang kanina pa naglabasan ang mga tao at magsasara na ang opisina ng NCMH.

Mabilis na umuwi si Rosing at sinabi sa pamilyang nawawala ang kapatid. Inakala ni Rosing na uuwi si Max. Hindi naman daw kasi ito ang unang beses na umalis ang kapatid sa ospital.

Nung minsan, nakapila rin sila para sa ineksyon nito. Nagmamadali raw umalis si Max at nauna ng lumabas ng ospital. Nakauwi naman daw ito.

“Akala ko naburyo lang siya at nauna na. Inisip kong uuwi siya pero lumipas ang gabi at mga araw hindi na siya bumalik,” ani Rosing.

Nag-report na sa pulis sina Rosing at pinalista si Max sa mga ‘Mis­sing Persons’ kasama ang kanyang larawan subalit walang makapagturo kung nasaan ang kapatid.

Kahilingan ni Rosing maisulat ang kwento ni Max sa diaryo at mailathala rin ang kanyang larawan dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan.

Itinampok namin si Sario sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ. (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ilang lang si Max sa mga kababayan nating ‘mentally ill’ na nawawala, pagala-gala at hindi mahanap ng kanilang mahal sa buhay. Pinayuhan namin ang pamilya Nolasco na magpunta sa loob ng National Center for Mental Health, isa-isahin ang mga pasyente dun at baka nandun lang itong si Max.

Sa mata ng mga nasa tamang pag-iisip may iilang tinatawanan lang silang mga kung bansagay baliw subalit sa likod ng kanilang kundisyon iba’t-iba ang istorya at dahilan kung bakit pumitik ang kanilang isipan.

Malawak na pag-unawa ang kailangan sa mga tulad ni Max. Bagay na hanga naman kami sa kanyang pamilya, sa kanilang pag-aaruga rito kay Max.

PARA SA HULING ULAT SA KASONG ITO: Tumawag sa amin ang pamilya ni Max at masayang ibinalita sa amin na nakita na itong si Ginoong Max nung araw ng Linggo, September 7, 2014 matapos nila itong maipanawagan sa amin. Natagpuan si Max sa Alabang na palakad-lakad.

“Maraming salamat po… talaga sa tulong ninyo at may nakapagturo sa amin kung nasaan si Max, mas lalo namin siyang babantayan at aalagaan para hindi na ito maulit,” pangako ng pamilya Nolasco.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285/ 7104038. O mag-message sa www.facebook.com/tonycalvento

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

Show comments