GenSan City patuloy nagbabagong anyo

NAGIGITLA ang mga malimit bumisita sa General Santos City sa mga lukso nito tuwing bisita. Nu’ng dekada-90 nakatuon lang ang kabuhayan sa pier, kung saan nagbabagsak dalawang beses isang linggo ng tuna na huli sa Celebes Sea, labas ng Sarangani Bay. Makalipas ang 10 taon, tuwing madaling-araw na ang kalakal sa pier: Nagbi-bidding ang mga mamamakyaw para sa pinaka-sariwang tuna, na agad ineeroplano para pananghalian sa iba’t ibang siyudad sa Asya. Limang taon lang ang nakalipas, naging pinaka-malaking employers ang tuna canneries -- anim sa pitong gan’ung kumpanya sa Pilipinas. Naglipana ang taga-Cebu, Iloilo, Pampanga, Ilocos, at Katagalugan. Ngayon nagkaka-traffic sa trucks; namumutiktik ang mga pribadong motorsiklo at pampublikong tricycles. Lalong dumami ang mga otel, malls, restoran, tindahan ng kotse, gasolinahan, at banko. Kapansin-pansin ang nightlife: Sinehan, disco, bars, dahil may pangwaldas ang mga residente. Ang huli na tuna, 145,000 tonelada kada taon -- sariwa, pinalamig o niyelo, tuyo, tinapa o nilata -- ay nagpapasok ng $380 milyon (P17.1 bilyon). Mahigit 20,000 mamamayan ng GenSan, at karatig-probinsiyang South Cotabato at Sarangani ang direktang nagtatrabaho sa canneries, 170 barkong pangisda,, at 3,000 bankang pang hand-line.

 Pero kabado si Mayor Ronnel Rivera. Pakonti na ang tuna landings. Bagamat ang huli na 165,000 tonelada nu’ng 2013 ang pinaka-malaki sa limang taon, nananalasa ang climate change, overfishing, at paghihigpit ng mga kapit-bansa sa pangisdaan.

Kaya ililiko ni Mayor Rivera ang GenSan mula tuna tungo rin sa turismo at pag-aaral. Mainam itong convention at university city, dahil mura ang pagkain at iba pang gastusin, Sariwa ang hangin, at marami pang malalaking bakanteng lupa para sa resorts at campus.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).+

 

Show comments