SAYANG. Ito ang iiling-iling na pahayag ng ilang nakapakinig sa diskurso ni Vice President Jojo Binay nung isang linggo para idepensa ang sarili laban sa mga alegasyon sa kanya tungkol sa P2.7 bilyong overpriced Makati carpark building nang siya ay Mayor pa ng lungsod. Ang impresyon ng maraming nakapakinig ay nagmistula itong campaign speech.
Dahil laging mataas ang rating ni Binay at posibleng manalo sa pagkapangulo sa 2016, ang usaping ito’y malamang magpabagsak sa kanyang popularidad. Kaya sabi ko nga, dapat siyang bigyan ng tsansang maipaliwanag ang sarili at linisin ang pangalan. Pero imbes na agad sumagot ay tila hindi niya inintindi ang isyu.
Sa ebalwasyon ng marami, sa 15 minutong talumpati, 5 minuto lang ang iniukol ni Binay sa pagdepensa sa sarili laban sa mga akusayon nina ex-Makati Vice Mayor Nestor Mercado at dating Makati BAC vice chair Mario Hechanova, pero ang nalalalabing sampung minuto ay nagtunog campaign speech para sa 2016 elections.
Nakapanghihinayang kasi na sa lahat ng mga nakalipas na trust surveys, Pulse Asia man o Social Weather Station, topnotcher lagi si Binay. Malaking dagok ang mga akusasyon laban sa kanya, sabihin mang politically motivated.
Wala ring malinaw na sagot si VP Binay sa ibang akusasyon ng overpricing sa iba pang overpricing issue. Sabi nga ng marami, walang detalyadong paliwanag kundi pulos “motherhood statement”.
Ang ’di ko maintindihan ay kung bakit hindi siya sa Senado humarap at magpaliwanag gayung ito ang hayagang nag-aakusa sa kanya.
Marami rin daw disappointed dahil matapos ang kanyang pagsasalita ay iwas-pusoy siya sa mga reporters. Hindi napilt ma-interview.
Kasalukuyan akong nasa Manila Doctors Hospital dahil sa heart attack nang gawin ni Binay ang kanyang classic speech na napukol ng sandamakmak na tuligsa na ayon sa ilang tagamasid ay tulad ng “cotton candy.” Malaki at magandang tingnan pero walang laman!
Ang pinapangarap kong mangyari ay sa Senado na humarap sa susunos si Binay dahil may kasabihang you can’t put down an honest man na walang itinatagong anomalya sa katawan. Sayang kasi kung basta-basta na lang siyang lalagabog at di na makababangon.