SIMULA noong Lunes bahagyang lumuwag ang Roxas Boulevard mula Baclaran hanggang Quirino Avenue sa Malate, Manila matapos na ikumpas ni Pres. Noynoy Aquino ang kanyang kinakalawang na kamay na bakal kay MMDA chairman Francis Tolentino, siyempre hagip na riyan ang local officials at port official na tumatabo ng datung sa extra ordinary na port congestion. Subalit itong kahabaan ng Road-10 ay naging mabagal naman ang daloy ng trapiko dahil sa super bagal na construction ng DPWH pagbaba ng Delpan Bridge, hehehe! Ngunit ang pagluwag ng Roxas Boulevard ay malaking alwan na sa mga motorista dahil isa ito sa pangunahing lansangan na nag-uugnay sa mga lungsod sa Metro Manila. Naging mabilis na ang pagdaloy ng trapiko sa naturang lugar dahil ikinalat ni Tolentino ang kanyang mga doberman sa kaharian ni Mayor Erap Estrada at Boy Sita, Boy Hatak vice mayor Isko Moreno upang pangasiwaan ang mga intersection papasok at palabas ng South Harbor at Manila International Container Port.
Tinaguriang “Task Force Pantalan” ang grupo ni Tolentino na may kapangyarihan sa pagmamando ng trapiko. Kumalma ang mga drivers at commuters sa matiyagang pag-asiste ng constables ni Tolentino. Subalit hindi pa kumakalma ang inis at paghihirap ng brokers at importers dahil hindi pa nila nababawi ang kanilang advance deposit sa mga container van sa mga tusong shipping lines companies. Ayon kasi sa aking mga nakausap na brokers at importers pinag-aantay sila ng mula anim na buwan hanggang isang taon bago nila ma-refund ang deposit ng mga container van sa shipping lines matapos nilang maibalik sa pier ang mga empty container. Wala na nga silang mga sariling container yard sa pier e may pinagkakakitaan pa silang extra mula sa pawis ng brokers/importers, hehehe! Ang masakit lalo pang lumalaki ang gastusin ng mga negosyante sa pagsasauli ng mga empty container dahil kadalasan minamalas ma-tow ang truck ng mga wrecker na accredited ng Manila City Hall.
Ngunit saludo ako sa mga ito dahil kahit na malaki ang gastusin sa trucking tuloy parin ang kanilang trabaho upang maibangon ang nadadapang ekonomiya ng bansa. At ngayon na MMDA na ang siga sa kaharian ni Erap at Boy Sita/Boy Hatak natitiyak ko na makaaahon na sila ng paunti-unti sa pagkalugi. Ngunit may umusbong naman ngayon na kontrobersiya sa loob ng Port of Manila, ito’y yung palakasan system na pinaiiral ng mga tauhan ni Deputy Commissioner for intelligence Group Jessie Dellosa. Ano ba yan, wala na bang katapusan ang kalbaryo ng brokers/importers sa Port of Manila. Super lakas kasi itong tinukoy nilang si J.R.Tolentino alias “Bisugo” sa mga tauhan ni Dellosa sa ngayon.
Kahit pala naka-alert ang kargamento nito ay nakalalabas ng Port of Manila. Subalit sa mga pangkaraniwan at mga legal na brokers/importers ay dumadaan muna sa butas ng karayom bago makasiwang sa pintuan ni Hugas Kamay Commissioner John Sevilla. Calling deputy Comm. Dellosa sir, pakiimbestigahan nga po itong paglabas ng isang container van na ang laman ay mga Cell phone at electronic gadget.Abangan!