Mag-isip muna siya

MATAPOS ang ilang araw nang tumakas ang mga Pilipinong peacekeepers sa Golan Heights, dahil malapit na silang maubusan ng bala bunsod ng pitong oras ng pakikipagbarilan sa mga rebeldeng Syrian, nagsalita na ang UN at ang Force Commander ng United Nations Disengagement Force. Una, pumanig ang UN sa utos ni Lt. Gen. Singh Singha na huwag daw isuko ang mga armas at huwag makipagputukan sa mga rebelde. Pangalawa, sabi naman ni Singha na wala siyang inutos na sumuko ang mga Pilipino at isuko ang mga armas, at kaduwagan ang ginawang pagtakas ng mga Pilipino.

Sino ba ang nakipagbarilan sa mga rebelde na ang tungkuli’y ipatupad ang kapayapaan sa pagitan ng Israel at Syria? At tila walang tulong mula sa UN? May bihag na nga silang mga sundalong Fijians. Ano ang gusto ng heneral, dagdagan ang mga bihag, dahil mga Pilipino lang tayo? Nabihag na ang ating mga sundalo noon, kaya sinigurado nila na hindi na iyon mauulit, lalo na’t tila wala namang suporta mula sa UN para sa kanila. Kaya nang malagay sa alanganin na sitwasyon, iniligtas nila ang sarili.

Kung may kasalukuyang negosasyon sa pagitan ni Singha at mga rebelde para pakawalan ang mga bihag na Fijians, bakit hindi ipinaalam sa mga Pilipino? Bakit ngayon lang niya sinasabi na meron? Sigurado ako na kung alam ng mga Pilipino iyan ay susunod sila sa utos. Pinagtatakpan ba ang sarili dahil mali ang kanyang mga utos sa mga sundalo? Kung ganundin lang pagtrato sa mga Pilipinong sundalo kapag nakikibahagi sa UN peacekeeping, hindi na siguro dapat nagpapadala ng ating mga sundalo. Kung wala ring suporta mula sa UN kapag nalalagay na sa peligro, huwag na lang. Tapos babansagan pang mga duwag? Dapat si Singha ang magbantay sa mga kampo.

Pinakamasama para sa isang sundalo ang mabansagang duwag. Kamatayan nga ang parusa nito. Kaya mag-isip muna si Singha sa kanyang mga pahayag at akusasyon sa ating mga sundalo.

Show comments