“Isa si Professor Barrera sa naparusahan dahil gumawa at gumagamit ng Plagiarized book. Kaya siya nagpunta sa inyo dahil nadismiss siya,” pahayag ni Atty. Versoza.
Naitampok namin nitong nakaraang Biyernes ang kwento ni Asst. Professsor Reynaldo “Rey” Barrera ng University of Sto. Tomas (UST). Kasama niyang inakusahan ng plagiarism, serious misconduct, violation of UST policies and breach of trust and confidence nina Dr. Jovita Laura Abara at Dr. Michael Martin.
Pangalan nilang tatlo ang nakalagay na sumulat ng librong ‘Principles of Human Behavior in Organization’ (PHBO) at ‘The Essential of Strategic Management’ (TESM) na ginamit sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
Sa pagpapatuloy ng desisyon ng opisina ni Vice Rector Rev. Fr. Richard Ang, noong Hulyo 1, 2013 nagpatawag ng pulong si Dean Minerva Cruz kasama ang chairman ng Textbook Learning Materials Committee (TLMC) na si Asst. Prof. Christopher German at dumalo rin sina Rey at Dr. Martin. Pumayag sila na punitin ang ‘title page’ ng libro kapalit ng kaunting refund.
Matapos kumalat ang tungkol sa plagiarized books, inutusan umano ni Rey si Mr. Toribio na i-pull out ang mga libro. Nang tanungin ni Mr. Toribio si Rey kung bakit sumagot ito, na utos daw ito mula sa Dean’s Office.
Hindi sinunod ni Mr. Toribio ang sinabi ni Rey kaya’t napilitan ang huli na pumunta sa klase niya para kunin ang mga libro.
Ang usaping ito ay naiakyat kay Vice Rector Ang bilang Chair ng Faculty Tribunal. Para matugunan ang hinihinging due process, pinasagot kina Rey ang alegasyon.
Inako naman ni Dr. Martin ang responsibilidad at naglathala ng ‘public apology’ sa Pilipino Star Ngayon noong ika-9 ng Setyembre 2013.
PARA SA ISANG PATAS na pamamahayag, tumawag kami sa UST upang hingin ang kanilang panig tungkol sa mga akusasyon ni Rey sa kanila. Nakausap namin doon si Atty. Alfonso Versoza, legal counsel ng UST. Ayon sa kanya wala raw katotohanan na maraming plagiarized books sa kanilang unibersidad. Hindi raw nila ito pinapayagan at kung may malalaman sila na gumagawa nito ay kanilang paparusahan.
“Isa si Professor Barrera sa naparusahan dahil gumagamit siya ng Plagiarized book. Kaya siya nagpunta sa inyo dahil nadismiss siya,” pahayag ni Atty. Versoza.
Dagdag pa niya lumabas daw na tumulong umano sa pagbebenta ng libro si Professor Barrera. Nang madiskubre raw na kinopya ang libro, pumunta pa raw ito sa classroom at pinapatanggal ang pabalat ng libro.
“Ibinalik pa nito ang kalahati ng pinagbentahan. Ang mga miyembro ng faculty tribunal ay kasamahan niya galing unyon at ang dalawa ay sa administration ng unibersidad at ang isa ay pinili ng dalawang grupo,” salaysay ni Atty. Versoza.
Ang kalakaran daw nila sa ganitong usapin kapag may nakalap silang ebidensiya ay pinagpapaliwanag nila ang sangkot dito. Kapag napatunayan na siya’y may pagkakamali ay pinaparusahan nila ito at ang ilan ay tinatanggal.
“May textbook committee kami at miyembro siya nun. Dapat pagkatapos maaprubahan yan, aakyat sa board ng unibersidad. Ang ginawa nila ibinenta na ang libro kahit hindi pa aprubado ng board,” pahayag ni Atty. Versoza.
Bandang Hunyo raw nang lumabas ang libro at makalipas ang dalawang buwan, nakita ng mga estudyante na kinopya ito sa isang libro sa internet. Tinawag daw nila ang pansin ng faculty.
Nangako rin ang legal counsel na handa silang makihati ng oras sa radyo sa aming programa upang magkausap sila ni Asst. Prof. Barrera.
Hindi ito nangyari dahil giit nila nakapagbigay na raw sila ng kanilang panig. Mariin namang nanindigan si Asst. Prof. Barrera sa kanyang mga unang naging pahayag.
“Wala pong katotohanan ang mga sinasabi niya na ako’y miyembro ng textbook committee. Sa ibang school year yun at hindi nung panahon na nagkaroon ng ganitong problema,” wika ni Rey.
Ayon pa kay Rey, hindi raw ibinigay ng unibersidad ang ilan niyang benepisyo at sahod. Isa rin ito sa reklamong inilapit niya sa aming tanggapan.
BILANG TULONG, ini-refer namin si Rey sa National Labor Relations Commission (NLRC) at nakapagsampa na siya ng kaukulang reklamo.
Nagkaroon sila ng unang pagdinig sa Single Entry Approach (SENA). Dumating ang kinatawan ng UST na si Atty. Ismael Saranggaya Jr. kaharap ang ‘mediator’ na si Ms. Agnes Magdaet.
“Tinanong ako kung ano ang mga demands ko. Sinabi ko na ang sahod ko mula April 1 hanggang May 8, 2014 ang hindi nila naibigay pati na rin ang backwages ko ng tatlong taon,” pahayag ni Rey.
Sa kasalukuyan, kailangan nang magpasa ni Rey ng kanyang ‘Position Paper’ sa NLRC.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kailangang masagot nang maayos yung punto ng UST dito kung bakit hindi ka gumawa ng hakbang laban kay Dr. Martin.
Ginamit mo sa loob ng dalawang linggo ang libro at hindi ka kaagad nagreklamo o nagsampa ng kaukulang kaso laban kay Dr. Martin. Bilang isang guro ng dalawang subject, alam mo kung ang isang libro ay masyadong teknikal ang mga salita. Kilala mo si Dr. Martin at masasabi mo kung yun bang ganung mga bagay ay maaaring manggaling sa kanya.
Sinasabi mong kinompronta mo si Dr. Martin ngunit ito’y sa salita lamang. Hindi tatayo ang ganyan sa korte dahil wala kang papel na nagpapatunay na hindi ka sumasang-ayon sa ginawa niyang paggamit sa pangalan mo. Isang ‘letter of protest’ na iginiit na tanggalin ang pangalan niya at ibalik ang pera ng mga estudyante.
Hindi ba mas maganda kung ang ginamit niyang pangalan ay yung may ‘doctorate’s degree’ para makatulong sa benta ng libro? Ang ginawang paghingi niya ng tawad ay upang akuin ang lahat ng kasalanan at linisin ang ilang mga nakaladkad sa usaping ito.
Marahil ay kailangan ding maimbestigahang mabuti kung paano lumabas ang libro at nakalusot sa mga dapat sumala nito.
Ang pinakamalaking pagkukulang mo Rey kung totoong hindi ka tumulong sa paggawa ng libro ay ang pagsasampa ng kaukulang reklamo sa eskwelahan o sa isang ‘judicial forum’.
Ikinokonsidera ring ‘academic dishonesty’ at paglabag sa ‘journalistic ethic’ ang plagiarism. Ito ay dahilan para mapatawan ng suspensiyon, parusa at pagpapaalis ang gumawa nito.
Hindi ito krimen ngunit ito’y seryosong paglabag sa akademya at industriya at ang kaso ng plagiarism ay maaaring bumuo ng ‘copyright infringement’ o paglabag sa paggamit ng orihinal na bagay na hindi ikaw ang merong karapatang gawing ito.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal, magpunta lamang sa 5th floor City State Centre Bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Maaari kayong mag-text sa 09213263166, 09213784392, 09198972854 o tumawag sa 6387285 at 7104038. Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038