ISANG araw lang ang nakalipas mula nang madiskaril ang tren ng MRT sa EDSA-Taft Avenue station, may tumirik na naman noong Biyernes. Lumalabas na ang mga sakit ng tren dahil na rin sa kalumaan nito, at kakulangan sa maayos na maintenance. Napakahalaga ng MRT sa publiko na hindi maisip na itigil muna ang operasyon para ayusin ang sistema.
Pero parang sakit na ng Pilipino ang gamitin ang isang bagay na may kaugnayan sa negosyo hanggang sa tumirik na lang. Nakikita ito sa mga pampublikong sasakyan, mga sasakyang ginagamit sa negosyo tulad ng mga trak at pick-up. Ang problema sa ganitong kaugalian ay inaabot na ng sira, o mas masama inaabot ng disgrasya, tulad ng mga bus na sangkot sa masasamang aksidente itong taon. Kumilos lang ang mga ahensiya tulad ng LTFRB nang may mga namamatay na.
May mga nagbabala na nga na ganyan na rin ang MRT. Panahon na lang ang binibilang para masangkot sa masamang aksidente. Mabuti at walang namatay sa pagkadiskaril ng tren noong Miyerkules, pero marami naman ang nasaktan. Natural, kakailanganin nang malaking pera para ayusin, o palitan ang sistema ng MRT. Mula sa mga riles na nagpapakita na ng mga lamat, hanggang sa mga motor at nawawalang suplay ng kuryente ng mga tren. Pati software umano nito ay luma na at kailangang baguhin. Hindi lang siguro alam kung saan magsisimula, at kung paano gawin na hindi matitigil ang operasyon, at kung kaya bang gawin talaga iyan.
Sakit ng ulo ito para sa DOTC. Sila ang inabot ng kalumaan ng MRT, pati na rin ng NAIA Terminal 1 na impiyerno naman ngayon dahil inaayos ang aircon. Humingi ng paumanhin ang DOTC secretary, at nangakong gagawin ang lahat para maayos ang serbisyo ng MRT. Pero baka nga masyado nang luma para gawin ito. Baka kailangang magsakripisyo na muna ang lahat at itigil muna ang operasyon, bago may mas masama pang mangyari.
Kailangan ding pag-aralan ang mga patakaran ng MRT kapag humihinto sa gitna ng mga stasyon. Marami sa mga pasaherong nakasakay sa nadiskaril na tren ang nagsabing pinababa na dapat sila sa may Magallanes at malapit lang sila sa stasyon. Pero nagdesisyon ang drayber ng tren na huwag silang pababain at ipinatulak na lamang sa isa pang tren sa susunod ns istasyon, pero natanggal naman sa kinakabitan at nawalan ng kontrol.