NAHULI na ang tinaguriang “berdugo” ng mga militante na si retired Army general Jovito Palparan. Tatlong taon na nagtago si Palparan at sa Metro Manila lang pala siya nagtatago taliwas sa sinasabi na nakalabas na siya ng bansa. Ang pinagtaguang bahay ni Palparan ay dati na rin palang nirentahan ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA). Malapit ang bahay sa PUP at sa police station. At sa kabila niyon, mahaba-haba ring panahon na namuhay nang patagu-tago ang “berdugo”.
Mga agent ng National Bureau of Investigation (NBI) ang nakahuli kay Palparan. Hindi na nakaporma si Palparan nang paligiran ng NBI ang bahay. Maski sa mga bubong ay nag-akyatan ang mga agent para masigurong hindi makakatakas ang dating general. May reward na P5 milyon ang sinumang makapagtuturo kay Palparan na nagtago mula noong Disyembre 2011. Si Palparan at ang tatlo pa niyang tauhan ay nahaharap sa kasong pagdukot sa dalawang UP students noong 2006. Sumuko na ang dalawang sundalo samantalang nagtatago ang isa pa. Nagpahaba ng buhok at balbas si Palparan para hindi makilala.
Ngayong nahuli na si Palparan, inaasahan namang mahuhuli na rin ang iba pang nagtatago sa batas. Kung nagawang hulihin si Palparan, tiyak na mahuhuli rin ang mga itinuturong “utak” sa pagpatay sa environmentalist at broadcaster na si Gerry Ortega sa Puerto Princesa, Palawan. Ang mga suspect ay ang magkapatid na Joel at Mario Reyes. Si Joel ay dating governor ng Palawan samantang si Mario ay mayor ng Coron. Ang isa pang hinahanap ng batas ay si dating Dinagat Rep. Ruben Ecleo na wanted sa pagpatay sa kanyang asawa noong 2002 at sa kasong graft na inihain ng Sandiganbayan.
Kahit pa mahusay silang magtago sa batas, mahuhuli rin sila. Walang nagtago na hindi nahuli. Kailangan lamang ay paigtingin ng mga awtoridad ang paghahanap. Kung magkakaroon ng pagtitiyaga sa paghabol sa mga wanted, tiyak na mahuhuli sila. Dapat mahuli na ang mga tumatakas para gumulong ang hustisya. Matagal nang naghihintay ng katarungan ang mga kaanak ng biktima.