FACT: Panahon pa ni President Marcos ay may truck ban na. Sa kahabaan ng makitid na Roxas Boulevard, kinamulatan na natin na bawal ang trucks. Sa gabi ay madadatnan sila na bumper to bumper sa kahabaan ng Ayala Boulevard, San Marcelino, Quirino Ave. at South Super Highway. Mag-research ka sa Google at makikitang sa 2002 nung administrasyon pa ni Mayor Lito Atienza ay mayroon nang mga pasaway sa Roxas Boulevard Truck ban.
FACT: Panahon pa ni Gng. Gloria Macapagal Arroyo ay mayroon nang congestion sa tatlong Ports ng Maynila. Nagkukumpetisyon sa espasyo ang mga empty container at mga kumpiskado ng Bureau of Customs dahil sa kontrabando o maling deklarasyon. Sanhi rin ng pagkumpol ang inefficient management systems ng mismong Philippine Ports Authority. Karaniwan na noon pa ang pila ng mga trucks sa labas na naghihintay lang na makapasok at kumolekta ng kargada. Hindi sila papasukin dahil sisikip sa loob. Problema na ng pamahalaang lungsod ang kasikipan sa labas ng Port Area.
FACT: Ayon kay Sec. Gregory Domingo ng DTI, bago pa man ipinasa ng Maynila ang “modified” truck ban ay matagal nang nalampasan ng Manila International Ports ang kanilang kapasidad. Maging si PPA Gen. Manager Juan Sta. Ana ay umamin na ang ordinansa ng Maynila ay maliit na bahagi lang ng mas malaking problema. Ito nga ang mitsa ng paggastos ng daang bilyon sa pagtatag ng Port of Batangas, Port of Subic, Star tollway at SCTex. Hanggang ngayon, 3% pa lang ng kapasidad ng Port of Batangas ang nagagamit at 6.4% ng kapasidad ng Subic. Sa kabila nito’y nanguna pa si P-Noy sa inagurasyon ng dinagdagan pang kapasidad ng Manila International Container Terminal.
FACT: Kung tutuusin, tatlo ngayon ang truck ban: (a) MMDA Truck Ban; (b) City of Manila Truck Ban; at (c) LTFRB Truck Ban sa mga “colorum” at pribadong truck na habang walang prangkisa o dilaw na plaka ay ipinagbabawal humakot ng kargada. Abot 30,000 trucks ang apektado nito. Ang resulta? Kailangan ngang hakutin ang mga empty container sa ports para mabawasan ang congestion pero wala namang truck na hahakot dito.