One more term kay P-Noy

KAHIT saang anggulo silipin, imposible ang pinalulutang ngayon na palawigin pa ng panibagong anim na taon ang termino ni Presidente Aquino.

Unang-una, labag ito sa Konstitusyon. At kung magkakaroon ng tangkang pag-amyenda, kulang na kulang ang mahigit sa isang taon para magkaroon ng bagong Salinganbatas.

Tatlong paraan puwedeng mabago ang Konstitusyon: Una sa pamamagitan ng Constitutional Convention at dito’y magtatakda pa ang COMELEC ng eleksyon para sa mga deputadong bubuo nito. Panahon at malaking pondo ang kailangan diyan; Pangalawa, sa pamamagitan ng Constituent Assembly o pagsasanib ng Senado at Mababang Kapulungan para siyang gumawa ng kinakailangang susog sa Konstitusyon at:

Pangatlo, sa pamamagitan ng People’s Initiative na dito’y taumbayan mismo ang magpapasya kung dapat baguhin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng milyun-milyong pirma.

Imposible lahat ang pamamaraang tinukoy natin dahil sa igsi ng panahon sa paghahanda. Technically, possible siguro. Pero iyan ay sa kondisyong wala nang aatupa-ging iba ang pamahalaan at walang sektor ng lipunan na tututol dito. At sa dinami-dami ng problema ng gobyerno  na pawang naka-sentro sa kabuhayan at pulitika, walang lohikang bigyan ito ng prayoridad.

Isa pa, napaka-kontrobersyal ng Pangulo dahil sa sari-saring isyung kinakaharap niya lalu na sa Dis­bursement Acceleration Program (DAP) na dahilan para magsulong ang ilang sektor ng lipunan ng kanyang impeachment sa Mababang Kapulungan.

Dalawang dahilan ang nakikita ko kung bakit pina-lulutang ito: Una – para manatiling loyal sa Pangulo ang mga kapartido dahil mapapawi ang imahe niya na “lame duck President” dahil may mga hakbang para magkaroon siya ng ikalawang termino at; baka sakaling magkatotoo, depende kung paano tatanggapin ng taumbayan ang ganitong prospect. Mabuti at nagsalita na ang Malacañang. Handa mang makinig ang Pangulo sa kanyang mga “boss”  pagdating sa issue ng second term, hindi babaliin ng Pangulo ang tadhanain ng Konstitusyon at lalung hindi siya papayag sa Charter Change.

Show comments