EDITORYAL - Pakiusap sa DSWD: Walisin ang mga ‘batang kalye’

KUNG hindi pa nakikita ni Social Welfare and Development Secretary Dinky Soliman ang napakaraming batang kalye sa Metro Manila ngayon, dapat lumabas muna siya sa kanyang opisina para makita niya. Naglipana ang mga batang kalye ngayon na nambibiktima sa mga motorista sa EDSA, Makati, Quiapo, Cubao, Kamias at Mayon sa Quezon City.

Pero may isang grupo ng mga batang kalye  na kung tawagin ay “gagamboys’’ ang nambibiktima sa mga balikbayan habang palabas ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Ang mga batang ito ay mabibilis na sasabit sa mga sasakyan na sumundo sa balikbayan. Target nila ang mga nakabukas na bintana ng van na sinasakyan ng balikbayan o maski turista. Kapag naispatan nila na nakaawang ang bintana, iyon ang sasamantalahin para makapanghingi sa mga nasa loob. Ipapasok nilang pilit ang kamay sa loob. Pero ang mas matindi, nadadampot o nahahablot na agad nila ang mahahalagang bagay sa loob gaya ng bag, cell phone, wallet, camera at kung anu-ano pa. Kadalasang mga tatlong “gagamboys” ang sasampa sa tagliran ng van habang nakahawak sa bintana. Maliliksi at sanay na sanay ang mga batang ito at bago pa malaman ng mga taong nasa loob ng sasakyan, natangay na ang kanilang gamit.

Isang babae na umano’y sumundo sa NAIA ang nabiktima ng “gagamboys” at nawalan ng pera. Ayon sa babae, binuksan niya ang bintana ng van para pumasok ang hangin. Nasira umano ang aircon ng sasakyan. Pagbukas niya ng bintana, nakasampa kaagad ang tatlong “gagamboys” at nadampot ang bag niya na nakapatong sa upuan. Walang anumang nagsibaba ang “gagamboys”. Huli na nang malaman ng babae na natangay na ang bag niya na may lamang pera, cell phone at mahahalagang gamit.

Panawagan sa DSWD at maski sa mga pulis na pagdadamputin ang mga batang kalye. Huwag hayaang makapambiktima o makapatay sila bago gagawa ng aksiyon. Hulihin ang “gagamboys” na nambibiktima ng mga balikbayan . Mas nakakahiya sa mga dayuhang dumadalaw sa bansa na unang tapak pa lamang ay mabibiktina na ng mga kawatan.

Show comments