PINABUBULAANAN ng militar at ng lahat ng ahensyang may kinalaman sa pambansang seguridad na may binubuong destabilization laban kay Presidente Aquino.
Pero sa palagay ko, ang palubha nang palubhang kalagayan ng trapiko sa Metro Manila ay bagay na dapat ikabahala dahil maski papaano, napagbubuntunan ng sisi ang administrasyon.
Kung minsan naiisip ko: May lihim kayang kagalit ang Pangulo sa mga nakabababa niyang opisyal? Kasi, hindi ko maintindihan ang patakaran ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na “no apprehension policy” sa mga pumapasadang kolorum na mga trak.
Ang katuwiran ni LTFRB chief Winston Gines, bibigyan ng mga prangkisa ang mga kolorum na ito at habang hindi pa aprobado ang aplikasyon nila ay papayagan muna silang bumiyahe. Sa pangyayaring ito, ang mga trak na umuukupa sa kalsada ay tumaas nang 14,000 mula sa dating 7,000.
Eh kaya nga hinuhuli ang mga kolorum ay ang mga ito ang nagdudulot ng problema sa trapiko tapos gagawin silang legal. Iyan ba ang solusyon laban sa mga illegal? Ang gawin silang legal?
Ayaw kong isipin na sinasadya ni Mr. Gines ang ganyang dispalinghadong policy para ma-asar ang taumbayan sa Pangulong Aquino. Kung totoo yan, iyan ang maliwanag na destabilization.
Dahil sa dispalinghadong patakarang iyan, ilang araw nang halos hindi gumagalaw ang trapiko lalu na sa EDSA. Maging ang Metropolitan Manila Development Autho- rity (MMDA) ay sinisisi ang patakarang ito ng LTFRB na naging dahilan ng grabeng pagsisikip ng trapiko.
Ayon kay MMDA Chairman Tolentino “The current move of the LTFRB will not only exacerbate the already worse traffic situation in the metropolis.”
Hindi ba alam ni Gines na kapag sobra ang trapik, naaantala ang galaw ng negosyo at dahil dito, nagtataasan ang presyo ng mga pangunahing kalakal dahil sa artipisyal na kakulangan nito.
Ani Tolentino, handa ang MMDA at ang mga mayors na makipagdayalogo sa LTFRB para maresolba ang problemang ito. Sige na. Bilisan ninyo at Gines na Gines na ang mga tao!