Emergency powers daw kasi kapos ang kuryente

DALAWAMPU’T ISANG bagong power plants ang kasalukuyang itinatayo sa buong bansa. Pero lahat ‘yan ay ma­tatapos simula 2017 o lampas pa. Kaya maghanda: Kakapusin ng kuryente sa buong Luzon sa tag-init ng 2015. Kakailanganin ng rotational blackout, o halinhinang pagkawala ng kur-yente, sa buong isla, kasama ang Metro Manila.

‘Yan ang inanunsiyo ni Energy Sec. Jericho Petilla nu’ng nakaraang linggo. Kasabay niyan, nilahad din niya ang solusyon: Emergency powers para lutasin ni President Noynoy Aquino ang napipintong krisis. Ani Petilla, bawal sa Electric Power Industry Reform Act na magtayo ang gobyerno ng sariling power plants. Ang maari lang ay bigyan ang President ng emergency powers sa pamamagitan ng joint resolutions ng dalawang Kamara ng Kongreso, para solusyonan ang kapos-kuryente.

Hinay-hinay lahat. Ilahad muna ni Petilla kung ano na ang ginagawa niya, bilang Secretary of Energy, para maibsan ang krisis. Ito’y para makilatis ng mga eksperto kung kulang o sapat ang mga kilos niya.

Tapos, ilahad niya kung anu-ano ang gagawin ni P-Noy sakaling bigyan siya ng emergency powers. Ito’y para makilatis muli ng mga eksperto kung magagawa naman niya ‘yan sa normal powers.

Delikado kasi ang emergency powers. Pahihintulutan ang Presidente na mangontrata nang paspasan, miski walang pagsusuri, public bidding, at official audit. Dahil maaring daan-bilyong piso ang halaga, malapit sa tukso.

Napakalapit na ng Halalan 2016, kaya nakaka-suspetsa ang panukala ni Petilla. Lalo na, dahil ngayon lang siya nag-aalarma, 10 buwan bago magka-krisis. Kasapi siya ng naghaharing Liberal Party. Ang ibang mga kapartido niya sa Gabinete ay tila nagpa-fund raising na.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

Show comments