MAS kilala siya sa kanyang palayaw na “Nonoy” hindi lang dito sa Davao City kundi maging sa karatig rehiyon at sa buong Pilipinas.
Hindi nga alam ng karamihan na ang tunay niyang pangalan ay Manuel. Ang pagkakaalam ng karamihan siya ay simpleng si Nonoy.
Siya ay si dating second district Rep. Manuel “Nonoy” Garcia na nanilbihan bilang public official kahit noong panahon pa ng rehimen ni dating President Ferdinand Marcos hanggang siya ay nagkasakit na at hindi na rin nakabalik sa Kongreso hanggang sa pumanaw dahil sa cardiac arrest noong Hulyo 31 sa Cardinal Santos Hospital sa Mandaluyong sa edad na 82.
Pumanaw si Nonoy na kahit papaano ay may naiwang magandang alaala at mga nagawa na naging bahagi ng kung ano ang Davao City ngayon.
Lingid sa kaalaman nang marami, si Nonoy ay unang nahalal bilang Davao City Councilor noong 1967, Assemblyman for Davao Region in the Interim Batasang Pambansa in 1978, member of Parliament noong 1984, at Congressman in the Philippine Congress noong 1992, 1995 and 1998.
Naging deputy justice minister din siya noong 1985.
Ngunit ang kanyang pagiging public official ay nagbunga rin ng pagpatayo nang maraming importanteng proyekto dito sa Davao City kasali na ang P4.9 billion reconstruction and expansion of the Davao International Airport; ang dalawang fly-overs sa Buhangin Proper at Agdao, ang underpass sa Buhangin Proper at maging ang tatlong tulay na nagkokonekta sa 2nd district sa city proper.
Si Nonoy din ang nagsumikap na magkaroon ng maayos na mga daan at maging ang pagpasok sa Paquibato at Buhangin na dating mahirap marating.
Si Nonoy din ang nagsumikap sa pagpapatayo ng SSS building sa JP Laurel Avenue at sa pagpapatayo ng Boy Scout building sa Davao City.
Si Nonoy ay naging isa sa mga avid supporters ng Philippine Eagle Foundation. At naging malaking bahagi si Nonoy sa buong programa ng non-profit na PEF kasali na ang conservative breeding program.
Isa rin si Nonoy sa mga nanguna sa pagtatag ng Brunei, Indonesia, Malaysia, Philippines-East ASEAN Growth Area (BIMP-EAGA) noong early 1990s.
Kung tutuusin si Nonoy ang nagsumikap para magkaroon ng direct flights sa pagitan ng Davao City at Manado City sa East Indonesia na nagdala nang mahigit 100 negosyante rito.
Si Nonoy din ang isa sa tatlong “ninong” na nag-udyok kay Mayor Rodrigo Duterte na pasukin ang pulitika may higit 20 taon na ang nakalilipas.
Ang dami na ring nagawa ni Nonoy para sa Davao City kaya ito ay isang pagsaludo at pagpupugay sa taong kahit paano’y nagsumikap na mapaunlad ang tinaguriang pangunahing lungsod sa katimugan.
Maraming salamat Nonoy!