ANG Pilipinas ay may dalawang klaseng leaders: Ang political at economic.
Ang political leaders ay binubuo ng president, vice president, Senate president speaker, senator, kongresista at iba pa.
Dahil sa kontrobersiya ngayon sa DAP at PDAF, lahat, maliban lang kay House Speaker Sonny Belmonte, ay nabahiran ng putik. Nawasak na ang political leadership natin.
Ang problema kasi sa ating political leaders ay mga lasenggo, hindi sa alak kundi sa kapangyarihan. At ang pinupulutan nila ay dinuguan o dugo ng Inambayan.
Ang pera ay dugo na nagbibigay buhay sa ating ekonomiya. Kaya pala ang tawag sa ating ekonomiya ay “sick man of Asia” ay dahil walang humpay na paghigop ng dugo nito ng ating political leaders.
Ang economic leaders naman natin na binubuo ng tycoons lalo na ang mga may-ari ng malalaking department stores, chain restaurants at factories na nagpapairal ng kontraktuwalisasyon ay tahimik lang. Kaya ang pagitan ng mga mahihirap at mayayaman sa ating bansa ay lalong lumalawak dahil sa kontraktuwalisasyon.
Ang sabi ng Labor Code, kapag ang trabaho ng manggagawa ay likas na “necessary and desirable” sa negosyo ng employer, dapat itinuturing silang “permanent and regular written contracts to the contrary notwithstanding”.
Ang trabaho ba ng sales girl ay hindi ”necessary and desirable” sa department store?
Ang mga contractual o endo ay tinatanggal sa trabaho every end of five months. Karamihan ay walang SSS benefits, Pag-IBIG, 13th month pay at iba pa. Ang mga benepisyo na dapat ibinibigay sa kanila ay sa halip inaangkin ng mga hari ng kontraktuwalisasyon kaya sila ay lalong yumayaman at ang iba sa kanila ay mga kahanay na ni Bill Gates sa Forbes List of the World’s Richest.
Dapat mailagay din natin sa ayos ang economic leadership ng ating bansa at utusan silang sumunod o respetuhin ang mga karapatan ng manggagawa.