Binabrasong ibalik ang PDAF, DAP

KUNG totoong “pork barrel” ng Korte Suprema ang Judiciary Development Fund (JDF), dapat lang ito tanggalin. Walang karapatan ang anumang sangay ng gobyerno na waldasin ang pera ng taumbayan para sa pansariling sikat o kita.

Akda ni Marcos, ang JDF ay halaw sa singilin ng mga korte sa litigants. Pinamamahalaan ito ng Korte Suprema, sa ngalan ng fiscal independence. Dapat gugulin ang JDF sa pampatalas sa Hudikatura, tulad ng computerization. Pero nilalaan ng Korte ang malaking bahagi sa allowances ng mga taga-Hudikatura. Tinutuligsa ito nang marami.

Problema, makasarili ang hangarin sa pag-alis sa JDF. Personal ang motibo sa pangkukuyog ang Ehekutibo at Lehislatibo. Dahil dineklara ng Korte na unconstitutional ang congressional pork barrel na Priority Development Assistance Fund (PDAF), at ang bersiyon ng Ehekutibo na Disbursement Acceleration Program (DAP), pagkakaitan naman nila ang Korte ng JDF.

Halata ang pangkukuyog sa pagtanggol ni President Noynoy sa DAP na binasura ng Korte. Lantad din ito sa panukala ng Kongreso na bawasan ang kapangyarihan ng Korte sa paggasta nito.

Nakakabahala ang pakay ng pangkukuyog. Ito’y para bawiin ng Korte mula sa basurahan ang PDAF at DAP. Kumbaga, kalimutan na ang anomang pagrereporma sa pamahalaan. Kung ibabalik ang PDAF/DAP, panatilihin na rin ang political dynasties at madayang halalan. Solohin na lang habampanahon ng naghaharing-uri ang pulitika.

Pumayag kaya ang Korte sa malagim na pakay ng Ehe-kutibo at Lehislatibo? Malalaman ang sagot sa pasya nito sa motion for reconsideration ni P-Noy at bantang impeachment sa kanila sa Kongreso.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

Show comments