Opisyales ayaw mabuhay na tulad ng mamamayan

NARIYAN ang hepe ng National Police, nagpatayo ng ba­gong official mansion sa Camp Crame GHQ, para umiwas sa akyat-bahay na bumibiktima sa ordinaryong mamamayan.

Nariyan ang provincial governors at mayors, naninira-han sa lungsod imbis na sa magulo at maralitang pook nila.

Nariyan ang tatlong nandambong na senador, ayaw mapiit sa ordinaryong masikip at mainit na kulungang pinagkaitan nila ng pondo, at pinili ang special detention sa Camp Crame.

Nariyan ang agriculture secretary, winasak ang sakahan ng palay, tubo, mangga, saging, at iba pang prutas, nagtatago sa likod ng Pangulo imbis na panagutan ang gulo.

Nariyan ang budget secretary na lumikha ng ilegal na presidential pork barrel, Disbursement Acceleration Program, ayaw mag-resign at bumalik sa mahirap na private sector, matapos waldasin ang pera ng bayan sa kung ano-ano lang naisip na proyekto.

Sa katiwalian at kapalpakan ng mga opisyales, lumu­lubog ang bansa. Lumalala ang kahirapan, gutom, ka­walang-trabaho, at krimen.

Sa ibang bansa, humihingi agad ng tawad at nagbibitiw ang tiwali o maling pinuno. Kaya namamangha at naiinggit ang mga Pilipino.

Dito kapit-tuko sila sa puwesto na animo’y pansariling pag-aari. Kasi natatakot sila mamuhay na tulad ng ordinaryong mamamayan -- na pinalala nila ang kalagayan. Takot sila mapapiling sa karalitaan, gutom, kawalan-trabaho, at krimen, na sila rin ang lumikha dahil sa katiwalian at kapalpakan.

Naghahalinhinan silang magkakamag-anak sa puwesto, dinadaya ang pagpanalo sa halalan, para mas lalong makapagkulimbat.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gmail.com

 

Show comments