KAYA pala nagmahal ang bigas (tumaas ng P2 bawat kilo) ay dahil sa mga buwitreng rice trader. At hindi lamang nagtaas ng presyo kundi nagkulang pa ng suplay. Imagine, ang bansang ito na sagana at mayaman ang lupang bukirin ay makararanas ng kakapusan sa bigas at mahal pa. Mabuti at nagsagawa nang sunud-sunod na pag-raid ang awtoridad sa mga bodega ng rice traders sa Bulacan at nadiskubre ang ginagawa ng mga buwitre. Sa isang bodega sa Malolos, huling-huli sa akto ang mga tauhan ng buwitreng rice traders na nire-repacked ang mga bigas na galing sa National Food Authority (NFA). Inilalagay nila sa mga sakong pang-commercial ang mga bigas ng NFA. Nakakumpiska ng 32,000 sako ng bigas sa bodega ng Purefeeds Corp. sa Bgy. Tikay. Ang bodega umano ay kayang maglaman ng 60,000 sako. Ang nakakabaliktad-sikmura pang ginagawa ng mga tauhan ng Purefeeds, hinahaluan nila ng binilid ang mga sako. Ang binilid ay durog at maliliit na butil ng bigas na ipinampapatuka sa manok at pinakakain sa baboy.
Naaresto ang buwitreng may-ari ng Purefeeds at sabi ni DILG sec. Mar Roxas, na kakanselahin ang lisensiya nito. Ayon kay Roxas, maaaring marami nang bigas na may halong binilid ang binibenta na sa mga palengke sa Metro Manila at mga kalapit probinsiya. At sa kabila na may halong binilid, binibenta ito sa mataas na presyo na lubhang malayo sa presyong pang-NFA.
Marami pang bodega ng bigas ang sinalakay sa Bulacan, at napatunayang ang mga talaksan ng bigas na naroon ay galing sa NFA. Patuloy na niloloko ang taumbayan sapagkat pinaniniwalaang commercial rice ang kanilang binibenta. Hindi na nakapagtataka kung bakit may mabibiling mahal na bigas subalit mababa ang kalidad at maraming kasamang binilid.
Tiyak na may kasabwat ang buwitreng rice traders sa mga matatakaw na “buwayang” taga-NFA. Paano makakapaglabas ng daang sako ng bigas mula sa NFA ang mga buwitre kung wala silang mga kakutsabang “buwaya” roon. Nagawa na nina Roxas ang pagsalakay sa mga pugad ng buwitre, salakayin na rin ang mga “buwaya” sa NFA.