Mabisang gamot sa high blood

MAY gamot para sa altapresyon o high blood pressure na mabisa at mura pa. Ang tinutukoy ko ay ang Amlodipine.

Bakit ko nasabing mabisa ang Amlodipine? Heto ang mga dahilan:

1. Malakas magpababa ng presyon ang Amlodipine. Marami sa ating kababayan ay nabibigyan ng ibang gamot, tulad ng metoprolol, para sa altapresyon. Mahinang gamot ang metoprolol. Kung ang presyon mo ay lampas sa 160 over 100 mm Hg, kailangan mo nang malakas na gamot, tulad ng Amlodipine.

2. Matagal ang bisa ng Amlodipine. Ang isang tableta ng Amlodipine ay kayang magpababa ng presyon sa loob ng 24 hanggang 48 oras. Napakabisa nito. Walang laban ang mga gamot na Captopril o Diltiazem na 8 oras lang ang bisa. Ang ibig sabihin ay pagkatapos ng 8 oras, hindi na kontrolado ang iyong presyon. Delikado po ito at baka ma-istrok o ma-heart attack ang pasyente.

3. Ito ang sikreto ng cardiologists. Alam naming mga espesyalista sa puso ang lakas at bisa ng Amlodipine. Kung hindi makontrol ang inyong blood pressure ng ibang gamot, subukan ninyo ang Amlodipine.

4. Ito ang gamot ng pamilya ko. Dati rati, hindi pa Amlodipine ang binibigay ko sa aking mga pasyente. Dahil dito, na-istrok tuloy ang aking lola dahil ibang gamot pa ang binigay ng kanyang doktor. Pero ngayong espes­yalista na ako sa puso, Amlodipine na ang binibigay ko sa aking pasyente.

Paano binibigay ang Amlodipine?

Kung ang blood pressure ninyo ay lampas sa 140 over 90 mmHg, puwede ang Amlodipine sa inyo. Ang Amlodi­pine 5 mg ay nagkakahalaga ng P6-15 bawat tableta. Mura na, hindi ba? Kung mataas talaga ang presyon, puwedeng itaas sa Amlodipine 10 mg na tablet ang iinumin.

Magtanong po sa inyong doktor tungkol sa Amlodipine. Sa murang halaga, makakaiwas kayo sa istrok at atake sa puso. Hahaba ang inyong buhay.

Show comments