ISANG estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde (CSB) ang nakitang patay na sa loob ng isang unit sa One Archer’s Place sa Taft Avenue, bikitma umano ng hazing. Apat na magkakaibigan ang umuwi sa nasabing condo mga bandang alas nuwebe ng gabi, at ayon sa guwardiya ng condo ay tila mga lasing dahil sa kanilang paglalakad. Pinabayaan na lang ng guwardiya dahil kilala ang isa na may ari ng unit na pinuntahan. Pero pagkalipas ng ilang oras ay may dumating na ambulansiya ng Red Cross sa condo, dahil may tumawag daw at nangangailangan ng tulong. Pag-akyat sa condo ng mga guwardiya at mga taga-Red Cross, natagpuang patay na ang isa habang nanghihina ang tatlo. Agad isinugod sa PGH, pero dineklarang patay na ang isa sa apat. Puro pasa ang katawan kaya naisip na mga biktima ng hazing. Hindi ko maisip ang pinagdadaanan ng mga magulang ng namatay na bata.
Siyempre magiging duwag na naman ang mga gumanap ng hazing at magtatago. Matatapang kapag hazing pero kapag nakapatay mga duwag na na hindi paninindigan ang ginawa. Kalokohan talaga ang mga fraternity na ganito, na hindi pa tinutukoy. Pero alam ko nang mga kriminal ang miyembro. Kung nakakapagpataw ngayon ng malalaking multa sa mga colorum na bus, panahon na para magkaroon ng pinakamabigat na parusa para sa mga gumaganap ng hazing. Kahit marami na ang namamatay sa hazing, nagpapatuloy pa rin ang kalokohang ito na tila walang takot sa batas. Mabuti sana kung sila ang namamatay.
Iimbestigahan daw ng CSB ang insidente, dahil bawal naman talaga ang mga fraternity sa nasabing kolehiyo. Pero pasaway talaga ang marami, at kahit may mga batas na nagbabawal ng hazing, wala rin. Sigurado may matatagpuang patay muli dahil sa hazing. Dapat matukoy na kaagad ang fraternity na ito, at buwagin na. Hulihin ang mga gumanap sa hazing, kasuhan ng murder, at parusahan.
At para naman sa mga may balak pang sumali ng walang saysay na fraternity, matuto na sana sa mga pangyayaring ganito. Hindi kailangan ng fraternity para magkaroon ng mga mabubuting kaibigan. Sa tingin ko nga masamang kaibigan ang mga brad-brad ng isang fraternity. Mara-ming mga hindi naman sumasali ng fraternity na mara-ming kaibigan at maraming nagagawa sa buhay-kolehiyo. Sasabihin ko ulit. Walang kuwenta ang mga fraternity na iyan. Lalo na ang mga gustong manakit lang ng “brad”. Mga duwag na ginagamit ang “kapangyarihan” bilang mas matandang miyembro, para manliit at manakit ng tao.