PNP chief lubog sa kontrobersiya

ISANG linggong nagkanda-utal-utal sina PNP chief Alan Purisima at spokesmen sa pagdedepensa. Nabalita na nagwaldas siya ng P25 milyon sa pagtayo ng bagong mansiyon sa Camp Crame GHQ. Pinatitirahan niya sa apat na paboritong subordinates ang original na mansion sa gilid.

Nu’ng una, iniwasan niya ang pagtatanong ng media. Tapos, sa TV interview, inamin niya ang construction, pero aalamin pa kuno ang halaga. Pinagdudahan siyang may tinatago, dahil alam dapat niya ang malalaking gastusin ng PNP, lalo na kung pansariling gamit. Tapos, pinalabas ng spokesman na P12 milyon lang umano ang halaga. Waldas pa rin, sigaw ng mga kritiko, kasi meron na namang mansion. Sumabat ang isa pang spokesman na donasyon daw ang materials at labor ng Free and Accepted Masons, kung saan kasapi si Purisima. Itinatwa ng isang di-nagpa-kilalang opisyal-Mason ang karangyaan. Sa huli humingi ang spokesman ng panahon para pangalanan ang mga umano’y donors.

Maski donation ‘yon, sabit din si Purisima. Bawal tu­mang­gap ng donation ang sinumang opisyal o ahensiya ng gobyerno, kung ayaw ng Dept. of Finance. Kung walang sertipiko si Purisima, ituturing ‘yung suhol.

Pinagbibitiw si Purisima ng Volunteers Against Crime & Corruption. Lumalala kasi ang krimen. Isang biktima ang pinapatay ng guns-for-hire tuwing makalawa. Hindi lang karibal sa pulitika o negosyo ang pinapatay, kundi pati sa panliligaw. Ang presyo ng pagpatay, sa modus operandi na riding-in-tandem sa motorsiklo, ay P2,000 lang.

Imbis na sugpuin ni Purisima ang krimen, nag-model siya ng bagong PNP uniform. Isakdal siya ng plunder dahil sa maanomalyang pagpapa-deliver ng gun licen­ses sa mamahalin pero maimpluwensiyang courier. Nawawala rin ang 1,004 AK-47 rifles ng Camp Crame armory.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

 

Show comments