PARANG kailan lang nang magmistulang super-hero si Sen. Juan Ponce Enrile nang pangunahan niya ang Senado bilang hukuman na nagpatalsik sa puwesto kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
Lahat ay nakatutok sa kanilang mga radyo at telebisyon noon para lamang marinig ang boses ni Enrile habang nililitis si Corona. Tuwing dinadalirot niya si Corona ay nagpapalakpakan ang mga tao. Parang “knight in shi-ning armor” siya.
Napakaraming tao ang pumuri at humanga kay Enrile nang mga panahong yaon noong taong 2011 at ang dahilan ay galit na galit ang sambayanan kay Corona na kinasuhan ng pangungulimbat sa kaban ng bayan.
Kung may eleksyon nang mga panahong yaon para sa Pangulo at kumandidato si Enrile, palagay ko’y mananalo siya.
Ngunit napakabilis nagbago ang imahe ni Enrile mula sa pagiging super-bida tungo sa pagiging super-kontrabida ngayong kasama siya sa mga kinasuhan sa Sandiganbayan ng plunder dahil nasangkot sa P10-bilyong pork barrel scam.
Nauna nang ipiniit sa custodial center ng Philippine National Police (PNP) ang kanyang mga kasamang akusado na sina Sen. Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Dahil sa kanyang edad na 90-anyos, tila sa hospital arrest ang bagsak ni Enrile. Maging si Presidente Benigno Aquino III ay hindi tumututol sa ideyang ito. Ang dahilan lang naman kung bakit ikinukulong ang nililitis ay upang pigilin ang posibleng pagtakas nito habang dinidinig ang kaso.
Sa edad ni Enrile ay hindi na niya magagawa iyan. At dahil ang mga taong nasa edad niya ay nangangailangan na ng close medical attention, ang paglalagay sa kanya sa pangangalaga ng ospital ay angkop na angkop.
Naniniwala ako na matanda man o bata ay hindi dapat makalusot sa batas kung sadyang nagkasala. Pero tayo ay isang lipunang makatao at bagamat hangad nating mailalapat ang katarungan, dapat ding magtakda ng humanitarian considerations sa isang tao kahit pa siya nagkasala sa batas. Pero kung ako ang tatanungin, hindi dapat sagutin ng pamahalaan ang gastos sa hospital arrest. Sobrang hospitality na yan. Hehe.