EDITORYAL - Sa piling ng mga daga at ipis

MARAMI raw ipis at daga sa kinapipiitang kuwarto ni Sen. Ramon Revilla. At inamin naman daw ng Philippine National Police (PNP) na talagang may mga ipis at daga sa kinapipiitan ng senador. At sabi pa ng isang police officer, tala-gang hindi mawawala ang mga ganitong insekto o peste sa piitan. Dapat daw malaman ng senador na hindi naman siya nagbabakasyon sa isang five star hotel. Pero sabi ng PNP, sosolusyunan na nila ang problema sa mga peste at insektong nasa custodial center.

Kahapon ay lumabas na rin ang arrest warrant ni Sen. Jinggoy Estrada at kusa na siyang nagtungo sa Sandiganbayan. Katulad ni Revilla, inakusahan din ng plunder at graft si Estrada. Sinamahan si Jinggoy sa pagtungo sa Sandiganbayan ng kanyang amang si Manila mayor Joseph Estrada at inang si dating senador Loi Ejercito. Kumpara sa madramang pagtungo ni Revilla sa Sandiganbayan, naging tahimik naman ang pagsuko ni Jinggoy. Ito ang ikalawang pagkakataon na naakusahan at napiit si Jinggoy.

Ngayong nakapiit na rin si Jinggoy, maaaring makita rin niya ang mga gumagapang na ipis at naglipanang daga sa kanyang kuwarto. Kung magrereklamo si Jinggoy sa mga mararanasan sa kinapipiitan, wala pang nakaaalam dahil unang araw pa lamang niya sa kinaroroonan. Maaring sa mga susunod na araw ay magreklamo na rin siya, hindi lamang sa mga naglipanang ipis at daga kundi sa mainit na lugar.

Bago ang pagsuko nina Revilla at Jinggoy, sinabi nila na handa silang makulong. Handa raw silang harapin ang kaso. Si Revilla ay nagsabing kahit nasa piitan ay tatakbong Presidente sa 2016. Malinis daw ang kanyang konsensiya. Si Jinggoy man ay handa rin at naniniwala siyang sa dakong huli ay mapapawalang-sala siya.

Lahat nang nakapiit ay naranasan ang ganitong sitwasyon --- maipis, madaga, mainit, maalinsa-ngan at siksikan na parang sardinas. Mainam pa nga ang dalawang senador at ipis at daga lamang ang problema. Ang ibang bilanggo, nagtitiis sa sobrang sikip at nagkakahawaan na ng pigsa, galis at ibang sakit. Pero hindi sila dumadaing dahil alam nilang ganoon ang sitwasyon sa piitan.

 

Show comments