Bishop bakit tahimik sa polusyon na ito?

UMAMIN din sa huli si Cong. Nicasio Aliping Jr. Siya nga raw ang may pakana ng roadwork na nagpabara sa ilog at nagputik sa water reservoir sa pagitan ng Baguio City at Tuba, Benguet. Balitang may lupain ang pamilya niya sa Mt. Cabuyao, karugtong ng Mt. Santo Tomas kung saan paakyat ang 2-kilometrong kalsada. Ipinatigil na ng DENR-Cordillera Region ang roadwork dahil wala palang environment compliance certificate. Sumira pa ito ng 304 na malalaki’t matatandang puno.

Nagngingitngit ang mga mamamayan ng Baguio-Benguet. Pinag-mumulta nila sina Aliping at tatlong kontratista sa pagpapabaya ng pagbabaldosa sa kalikasan. Pinalilinis din ang nilason na water supply.

Sa gitna ng gulo, hinahanap si Catholic Bishop Carlito Cenzon. Bakit siya? Kasi nu’ng ililipat -- hindi itutumba -- ng SM-Baguio ang 42 murâ at mabababang puno mula sa gilid ng mall, nagpa-boycott agad si Cenzon ng pagmimisa doon. Magtatayo ang SM ng parking building para maibsan ang traffic sa Session Road. At sa ilalim nu’n ay huhukay ng higanteng cistern -- ipunan ng bumbero ng tubig-ulan na pamatay-sunog at pandilig sa kalye. Labis pa sa batas ang ginawa ng SM: nagtanim ng 100,000 puno sa buong Cordillera Region para maitaguyod ang kalikasan. Pero binatikos pa rin ito ni Cenzon sa Catholic radio.

Kunsabagay, malaki ang kaibahan ng SM parking-cistern sa roadwork ni Aliping. ‘Yung una, nakaagaw ng customers mula sa Porta Vaga mini-mall, na pag-aari ng Diocese of Cordillera, sa tawid-kalye. Ang huli ay walang kinokompetensiyang negosyo ng Simbahan.

Maaalalang si Cenzon din ang nag-distort ng Reproductive Health Bill sa publiko. Pinalabas niya na kapag isinabatas ito, tuturuan ang mga Grade 4 at 5 sa public schools na magtalik. Walang naniwala sa kanya.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com

 

 

Show comments