Pag sure uy!

PAG sinabi mo ng ‘pag sure uy!’ ibig sabihin niyan si­guraduhin mong totoo at tama ang pinagbibigkas mo, na hindi ka nagsisinungaling at hindi ka nanloloko. Medyo may pagka-sarcastic ang katagang ‘pag sure uy!’  ngunit ang tinutumbok nito ay siguraduhin mo lang na nagsasabi ka ng totoo o baka mapapahiya ka lang.

Nasa Davao City prosecutor’s office na ngayon ang kaso ng isang taxi driver na pinagbintangan ng isang pastor na ninakawan daw siya noong isang linggo gamit ang sprayer na pampahilo raw.

At patuloy naman na nakulong  ang taxi driver dito sa Talomo Police Station.

Pero hindi rin maiwasang mapansin na kung pagbabasehan ang mga kuwentong lumalabas at maging ang reklamo mismo, medyo mas marami ang katanungan kaysa kasagutan.

May kasabihan nga na ‘if the issue you raised, raises more questions, doubts, uncertainties and loopholes than questions, then you will have a hell of hard time explaining it”.

Kaya nga ‘pag sure uy’ bago ka mag-aakusa ng tao sa isang kasalanan na alam mong alanganin ang posisyon mo sa pagparatang sa isang tao.

Kung wala ka namang ebidensiya at puro haka-haka lang ang sinasabi mo, mag-isip ka naman ng ilang milyong beses upang wala kang mapapahamak na ibang tao.

‘Pag sure uy’ din para sa panig ng driver na dapat maging consistent siya sa kanyang salaysay kung ano talaga ang nangyari noong gabing ‘yon.

Hindi ibig sabihin nito na pinoprotektahan natin ang kriminal. Katotohanan lang ang hinahanap natin. Na kung talagang ginawa ‘yon ng taxi driver, eh di panagutan niya. Ngunit kung inosente naman ang taxi driver dapat lang na huwag nang ituloy ang kaso.

Hustisya kapwa para sa magkabilang panig, hustisya para sa pastor at maging sa driver. Sana lumabas na ang totoo.

Kaya, pag sure uy!

 

Show comments