Peste

WALANG mas nakakainis pa sa peste. Maging insekto, sakit o tao pa nga. At walang mas nakalulumpo sa mga hasyendero at magsasaka kundi ang peste sa kanilang mga tanim. Ito ang hinaharap ngayon ng mga nagtatanim ng niyog. Kumakalat na sa ibang bahagi ng bansa ang pesteng cocolisap. Nagsimula sa Southern Tagalog ang peste, pero nakaabot na rin sa isla ng Basilan sa Zamboanga, dahil na rin sa pagdala ng mga napesteng bunga, o kaya’y nakakalipad na nang malayo ang peste.

Matagal na rin palang peste ito, pero ngayon lang may aksyon ang gobyerno, dahil sa mabilis na pagkalat nito. Daangmilyong piso na ang nawala sa peste, at kapag hindi naagapan ay maaaring umabot sa bilyon. Ilang mga niyugan ang wala nang bunga dahil sa peste. Walang kita ang mga kawawang nagtanim nito. At ang masama pa, ay tila lumilipat na rin ng tanim ang nasabing peste. Nakikita na rin sa mga puno ng saging, mangga at mangosteen.

Naglaan na ng P750 milyon ang gobyerno para laba­nan ang peste at tulungan ang mga naapekto. Sa pamamagitan ng gamot para sa mga puno at pagsunog sa mga apektadong dahon, inaasahan na mapupuksa ang peste sa loob ng ilang buwan. May ayuda rin para sa mga magsasaka na apektado sa pamamagitan ng pera, pati na ang rehabilitasyon ng kanilang mga bukid.

Pero ang dasal ng lahat ay mailaan ng tama ang pondo, at hindi na naman mapunta sa katiwalian. Tila mga magsasaka nga ang lumalabas na biktima ng mga katiwaliang ito. Sila raw ang makikinabang pero napupunta lamang sa bulsa ng ilan, at ni piso ay walang napupunta sa mga magsasaka. Kaya hindi masisisi ang mga magsasaka kung diskumpiyado na sila sa mga pangako ng gobyerno. Kailangang patunayan ng gobyerno na ngayon, sila ay tutulungan.

Sana nakikita ng mga sangkot sa PDAF scam ang nangyayaring ito. Na ang pera para sa agrikultura ay sa kanila lamang napunta. Kung may peste lang sana para sa mga tiwaling tao. Sa totoo lang, mas mabisa ang batas ng kalikasan, kaysa sa batas ng tao.

Show comments