MAY mga payong ibinigay ang ating Food and Drugs AdministraÂtion (FDA) sa pamumuno ni FDA Director General Dr. Kenneth Hartigan-Go. Si Dr. Go ay isang respetadong internist, toxicologist at public health expert.
Ayon kay Dr. Go, kailangan maging maingat ang publiko sa pagbili ng pagkain at paghahanda nito. Ito ay para makaiwas sa food poisoning at pagtatae.
1. Bumili ng pagkain sa mga kilalang tindahan. Hindi natin masisiguro ang kalinisan ng mga karne, hamon, at hotdog na gawa lamang sa tabi-tabi. Suriing maigi na hindi botcha at bilasang isda ang bibilhin.
2. Lagyan ng marka ang botelya at lalagyan ng mga sangkap ng pagkain tulad ng asin, asukal, at mantika. Lagyan din ng marka ang mga gamit pambahay tulad ng sabon, pangkula, pamatay ng insekto at gasolina. Huwag pagtabi-tabihin ang mga nasabing botelya dahil baka malagyan ng lason ang iyong pagkain.
3. Iwasan ang pagbili ng mga expired na mga produkto. Walang katotohanan ang paniniwala na may allowance pa ng ilang buwan ang expiry date ng produkto.
4. Basahin maigi ang mga nakalagay sa de-lata. Dapat ay may label (Ingles o Tagalog) at malinaw ang mga nakalagay sa tatak nito. Basahin kung anong uri ito ng produkto, saan gawa at hanggang kailan ligtas na kainin.
5. Huwag bilhin ang mga de-latang nayupi o lumobo na dahil posibleng may maliliit na butas na ito na pinasukan na ng mikrobyo.
6. Huwag ihalo ang hilaw na karne sa lutong karne. Posibleng may mikrobyo ang hilaw na karne na mapupunta sa iyong pagkain. Hugasan mabuti ang sangkalan, kutsilyo at lalagyan ng pagkain.
7. Maging malinis sa iyong kusina. Linisin ang mga gamit pangluto. Huwag hayaan dapuan ng mga insekto.
8. Hugasan ang mga gulay at prutas sa dumadaloy na tubig.
9. Lutuin maigi ang karne. Kailangan ay wala nang dugo ang makikita sa lutong karne dahil posible itong pagmulan ng mikrobyo tulad ng E. coli, salmonella at mga bulate.
10. Kapag hindi naubos ang pagkain sa loob ng 2 o 3 oras, ibalik ito sa refrigeÂrator para hindi mapanis.
11. Huwag paulit-ulit ang pag-init ng pagkain. Kumuha nang sapat na pagkain para sa iyo.
12. Maghugas ng kamay bago kumain at bago maghanda ng pagkain. Ang pagiging masinop at malinis ang pangunahing panlaban sa food poisoning at pagtatae.