EDITORYAL - Showbiz na ang Senado

HINDI rin pala maganda kapag ang isang artista ay nahalal na senador. Natatangay kasi ang pagiging artista sa plenaryo. Nagiging showbiz ang Senado lalo na’t kapag ang senador ay nasangkot sa isang kontrobersiya at gustong magpaliwanag sa taumbayan. Sa kagustuhang ilahad ang kanyang panig ay dadaanin sa mala-showbiz na pamamaraan para makaakit at makaantig ng damdamin ng manonood. Yung tipong parang nanonood ng pelikulang ang bida ay sinusuntok, tinatadyakan, sinasampal, na kahit nakatumba na ay inuupakan pa. Siyempre kailangang magpatalo sa una pero dahil ang bida ay hindi natatalo at namamatay, babangon siya at lalaban hanggang sa matalo ang mga umaapi o umaabuso sa kanya. At sa wakas, o dakong huli siya lamang ang matitirang nakatayo at nanalo sa laban. Siya ang bida sa pelikula.

Ganyan ang naging takbo ng mga pangyayari nang magsalita si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Senado noong Lunes. Akala nang marami ay kung ano ang pasasabugin ni Revilla. Iyon pala ay nagpapahiwatig na siya nang pagpapaalam. Masyadong emosyonal si Revilla. Handa na raw siyang makulong kaugnay sa P10 bilyon pork barrel scam kasama ng mga kapwa akusadong sina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada. Tinawag pa niyang “kosa” si Jinggoy na naging dahilan para magtawanan. Pinasalamatan niya ang ilang senador.

At sa dakong huli, sinabihan naman niya si President Noynoy Aquino na tutukan ang mga problema ng bayan at hindi ang pagpapakulong sa mga kalaban sa pulitika. Hindi raw dapat maalala si Aquino sa ganoong mga gawain. Pagkaraang banatan si Aquino, ipinalabas naman ang video presentation ng pagpapasalamat niya sa kanyang supporters. Siya rin ang kumanta ng background music.

Ngayong araw na ito ay si Jinggoy naman ang magsasalita. Kung ano iyon ay walang nakaaalam pero maaaring showbiz din ang dating ng presentasyon. Si Jinggoy tulad ni Bong ay magaling ding artista.

Mas maganda kung sagutin na lamang ang mga akusasyon sa korte at huwag nang daanin sa mala-showbiz na pamamaraan. Magharap ng mga ebidensiya at patunayan na walang ninanakaw sa kaban ng bayan.  Linisin ang sarili. Iba ang pelikula kaysa sa tunay na pangyayari. Sa pelikula maaaring dayain ang kuwento.

Show comments