Abusado, ilegal na kompanya

KAKASUHAN ng kriminal ang amo ng walong empleyadong namatay sa isang sunog na naganap sa Pasay. Patung-patong na kaso mula negligence resulting to multiple homicide, walang business permit at human trafficking ang isasampa kay Juanito Go, may-ari ng gusali at mga negosyo sa loob nito. Base sa imbestigasyon, namatay ang walong empleyado dahil hindi sila nakalabas mula sa kanilang kinandadong silid nang maganap ang sunog. Bakit nakakandado? Para hindi makatakas umano ang mga empleyado para makauwi na sa kani-kanilang mga probinsiya.

Ganyan ang patakbo sa pabrika ni Go. Hahanap ng mga gustong magtrabaho mula sa mga probinsiya, at kapag nakapasok na ay hindi na basta-basta makakaalis. Mababa ang sahod, walang day-off at may maraming okasyon na hindi naibibigay ang kanilang mga sahod. Marami na raw reklamo kay Go, pero malinaw na hindi naman naaksyunan at patuloy ang kanyang operasyon. Kung hindi pa nasunog ang gusali, hindi malalaman ang sinasapit na kalbaryo ng kanyang mga empleyado.

Paano nakalulusot ang ganitong klaseng kompanya? Akala ko ba mahigpit na ang DOLE sa pagbantay ng mga abusadong kompanya? Kung may mga reklamo na pala hinggil kay Go, bakit tila hindi inaksyunan ng DOLE, o ng lokal na pamahalaan? Alam na pala ng punong barangay ang mga nagaganap sa gusali ni Go, bakit walang kaukulang aksyon? Alam na mga menor de edad nang pumasok kay Go, bakit hindi ipinaalam kaagad sa DOLE? Dedma na lang ba sila sa mga nagaganap sa kumpanya ni Go?

Siguradong hindi lang ito ang kompanya na abusado sa kanilang mga empleyado. Mga kompanyang mas binibigyan ng halaga ang kita, at walang pakialam sa kaligtasan at kapakanan ng kanilang empleyado. Kapag maliliit na negosyo, masipag ang DOLE at lokal na pamahalaan para inspeksyunin, kapag malaking kompanya na, pinababayaan na lang. Maghihintay ba ng isa pang sunog para mahuli ang mga kompanyang tulad kay Go?

 

Show comments