Acute malnutrition

MAY tinatayang isang milyong batang Pilipino na may edad limang taon pababa ay nakitaang acutely malnourished o ang may kalabisang kakulangan sa nutrition bunga nang hindi na sapat na pagkain o sustansya.

Sinasabing ang populasyon ng Pilipinas ay nasa 97.6 million na at 13.5 percent ay mga batang limang taon pababa at 7.3 percent naman nito o may isang milyon ay mga batang acutely malnourished o nagdurusa sa kalabisang malnutrisyon.

At ayon naman sa reports, ang pinakamaraming batang malnourished ay sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Yolanda noong Nob. 8, 2013 at sa iba pang mga disaster-affected areas na mga bahagi ng bansa.

Nangyayari ang malnutrisyon sa kabila na napakayaman ng ating bansa sa agriculture products at pagiging abundant nito sa pagkain na bunga ng ating malawak na lupain at karagatan.

Bakit may nagugutom pa na mga bata?

Alalahanin natin na karapatan ng bawat bata ang mabigyan ng sapat na pagkain at sustansya.

Nangyayari ang lahat ng ito sa kabila na malaki ang budget para sa Department of Agriculture na namamahala sa agriculture production.

Kaya nga sa laki ng halagang nakulimbat sa kaban ng bayan ng mga sangkot sa Priority Assistance Development Fund (PDAF)  at maging sa Malampaya Funds scam, ito ay nagamit sana para sa nutrition program at maging sa edukasyon ng ating mga kabataan.

Walang konsensiya ang mga nagpakasasa na mga sangkot sa mga anomalya sa ating pamahalaan dahil ang pinaka-apektado sa kanilang mga ginagawa ay ang mga mahihirap na mga kababayan lalo na ang mga kabataang walang kamuwang-muwang.

Habang ang mga lumilikom nang napakaraming salapi na hindi naman sa kanila ay napakasaya, nagdurusa naman ang ating mga kabataan na hindi man lang mabigyan ng basic na pangangailangan gaya ng pagkain.

 

Show comments