PASUKAN na sa isang linggo. Babalik na muli ang matinding trapik sa siyudad sa mga araw na may pasok. Kung hindi pa tapos ang reblocking sa EDSA, malaking problema ito kung itutuloy pa rin kahit nagsimula na ang pasukan. May ilang kolehiyo na nagpasyang magsimula sa Agosto, pero ang karamihan ay sa Hunyo pa rin ang simula.
Problema muli nang maraming magulang ang matrikula ng kanilang anak. Maraming paaralan ang nagpahayag ng pagtaas ng matrikula itong taon. Ang edukasyon ay isang sektor na hindi pa talaga nagbabago, ilang dekada at ilang administrasyon na ang dumaan. Hindi pa gumaganda ang kalidad ng edukasyon ng mga pampublikong paaralan. Dehado pa rin ang mga mag-aaral na nagtapos ng grade school o high school sa mga pampublikong paaralan, kumpara sa mga nakapag-aral sa mga pribado at mahal na paaralan. Kaya pagdating sa kolehiyo, nadeÂdehado sila. May ilang nangingibabaw kahit sa pampublikong paaralan nagtapos, pero iilan lang.
Sa kabila ng mga PDAF scam, Malampaya scam at ano pang scam, na tila hindi umuusad, isipin na lang ang lahat ng perang ibinulsa ng mga kawatan sa gobyerno. Kung sa edukasyon na lang sana napunta ang kahit 10 porsyento ng nakuha, malaking tulong na iyon sa sektor ng edukasyon. Mga paaralang maayos, kagamitang hindi bulok, disenteng sahod para sa mga guro. May laban ang mga nag-aral sa pampublikong paaralan sa mga nakapag-aral sa pribadong eskwelahan.
Malayo pa ang Pilipinas sa Canada kung saan libre ang edukasyon, dahil ang gobyerno ang nagbabayad ng matrikula. Galing sa ibinabayad na buwis. Kung sa Pilipinas ay hindi pa maayus-ayos ang pagkolekta ng tamang buwis dahil sa ano pang dahilan, hindi natin matutularan ang Canada pagdating sa edukasyon. Sa katatapos na World Economic Forum, naghango ng papuri ang pag-angat ng ekonomiya ng bansa dahil sa patakbo ng kasalukuyang administrasyon. Maganda sana kung ang lahat ng mga tagumpay sa ekonomiya ay nararamdaman din ng sektor ng edukasyon, at hindi lang matinding trapik ang nararamdaman nang lahat.