UMPISA sa June 1 ay mahigpit nang ipapatupad ng traffic enforcers at kapulisan ang R.A. 10586, ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Law†ng Pilipinas. Ang mga batas laban sa pagmamaneho nang nakainom o nasa ilalim ng impluwensiya ng ipinagbabawal na gamot ay matagal nang haligi ng mga sistema sa ibang bansa. Sobrang atrasado ang pagdating nito sa atin. Ngayong andito na rin ito’y kinakailangan ang masusi at masigasig na agarang pagpatupad. Sa ganitong paraan ay mababawasan ang walang katuturang trahedyang dulot ng pang-abuso sa pribilehiyo ng pagmamaneho ng sasakyan.
Ang Pilipinas ay tinatayang pangalawa sa South East Asia sa pinakamaraming naiinom na alak kada taon. Bahagi na ng ating kultura ang pag-iinom. Nakaugalian na ng marami ang magmaneho ng nakainom kung kaya hindi na ito gaanong iniinda. Ang hindi natin napapansin ay ang napakataas na insidente ng pagkamatay o pagkabaldado sanhi ng aksidente sa pagmamaneho ng lasing. Bago ipinasa itong bagong batas, wala kang makikitang malinaw na government policy na nilalayong ipagbawal ang pagmamaneho ng lasing.
Tapos na ang maligayang araw ng mga drunk driver. Mapaghinalaan lang silang lasing – gaya halimbawa ng kung napansin na masyado mabilis o pagewang-gewang ang takbo ng auto – maari na silang ipasailalim sa napapanood natin sa TV na field sobriety tests tulad ng Eye Test, Walk and Turn test at one leg stand test. Kung bumagsak sa alinman o sa lahat ng testing na ito, tuloy naman sa automatic breath analyser na susukat sa dami ng alcohol sa iyong dugo. Ang bagong limit ng alcohol level sa dugo ay paibaba ng .05% mula sa dating .08%. Translation: Pwede kang uminom – huwag nga lang masyadong marami.
Siyempre, ang mga driver ng Public Utility Vehicles ay hindi maaring magkaroon ng kahit anong alcohol level sa kanilang dugo. Maging ang mga driver ng motorsiklo, bawal din uminom.
Malaking kaparusahan ang nag-aabang sa mahuhuling lalabag sa batas. Aabot ng 20 years at P500,000 fine, depende sa idinulot. Sana naman ay seryosohin ang pagpatupad nito dahil malaki ang maitutulong tungo sa siguradong kaligtasan ng ating mga mahal sa buhay. Kung hindi pa tayo nahihimasÂmasan ng posibleng pagkamatay, baka sakaling sa parusang hatid ng batas ay matauhan din tayo kahit papaano.