LALALA na naman ang tensyon sa pagitan ng China at ng Pilipinas. Isang barkong pangisda mula China ang hinuli ng Philippine National Police Maritime Group sa karagatan malapit sa Palawan – sa Half Moon Shoal. Ang Half Moon Shoal ay pasok sa 200-mile Economic Zone ng Pilipinas, na hindi naman kinikilala at nirerespeto ng China, dahil sa kanila nga raw ang buong karagatan. Isandaang kilometro lang ang layo mula Palawan. Nang inspeksyunin ang barko, mga 350 pagong ang nakita, mga iba patay na. May hinuli ring Pilipinong barkong pangisda na may mga pagong din. Ang ilang uri ng pagong ay protektado ng batas kaya bawal hulihin. Kakasuhan ang dalawang barko ayon sa anti-poaching na batas ng Pilipinas.
Hindi nakapagtataka na mainit na naman ang Beijing sa atin. Pakawalan na raw ang kanilang mga mangingisda at iligal ang paghuli sa kanila. Iginiit pa na mga armadong tao raw ang nanghuli sa kanilang mga mangingisda. Hindi man lang binanggit na mga pulis sila, para magmukhang masasama na naman tayo. Magpaliwanag daw tayo kung bakit hinuli ang mga mangingisda. Napapailing na lang ako.
Hindi lang tayo ang ginagalit ng China. Mainit na naman sa pagitan ng China at Vietnam, dahil sa aksiyon ng isang kompanyang taga-China na nagsimula nang maghanap ng langis sa karagatan na inaangkin ng Vietnam. May kasaysayan ang dalawang bansang ito ng sagupaan, kung saan ilang barko ng Vietnam ang pinalubog at ilang sundalo nila ang napatay sa sagupaan. Kaya may masamang dugo na talaga sa pagitan ng dalawang bansa. Maraming barko mula sa dalawang bansa ang lumiligid na sa lugar, kaya isang maling kilos lang ay baka sumiklab ang bahagi ng karagatang iyon. Nagsimula na nga ang bangayan ng dalawang gobyerno.
Kasalukuyang may Balikatan muli sa Pilipinas. Pati ito ay sinisita ng China, lalo na ang pagdalaw ni US President Barack Obama sa ilang bansa sa Asya. Ang pakay daw ay gawing masamang bansa ang China. Tulad nga ng sinabi ko, hindi kailangang gawin ni Obama iyan. Sa dami ng katunggali ng China hinggil sa pag-aari ng karagatan, natural na sila ang nagiging kontrabida sa dramang ito.