1987 Constitution, Article X, Section 13: Local government units may group themselves, consolidate or coordinate their efforts, services, and resources for purposes commonly beneficial to them in accordance with law.
Hindi lamang sa Saligang Batas nakasaad na ang ating mga lungsod, lalawigan at bayan ay maaring ipag-isa ang kanilang hakbangin, serbisyo at yaman para sa mga simulaing kapaki-pakinabang sa lahat. Maging sa batas ay kinikilala ang ganitong kooperasyon. Sa R.A. 7160 (Local Government Code), Section 33: Cooperative Undertakings Among Local Government Units. - Local government units may, through appropriate ordinances, group themselves, consolidate, or coordinate their efforts, services, and resources for purposes commonly beneficial to them. Sa tutoo lang, ginagawa lamang nitong pormal o opisyal ang matagal nang naka-tattoo sa ating kultura, ang bayanihan.
Ang diwa ng bayanihan tiyak ang nag-udyok kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na himukin ang kanyang mga kapwa mayor ng Metro Manila na magsagawa ng synchronized o sabayang paglinis at pagtanggal ng bara sa mga estero at ibang lagusan ng tubig gayong palapit na naman ang tag-ulan. Ang Valenzuela, tulad ng Maynila, ay lubog tuwing may malakas na ulan dahil pareho itong below sea level hambing sa mga karatig lungsod na mas mataas. Kahit pa habambuhay nila tanggalin ang bara sa kanilang waterways, kung hindi rin naman gagawa ng regular cleaning ang ibang Metro Manila cities ay walang mangyayari sa kanilang pagpupunyagi.
Sa ganitong pagkakataon, ang pag-alalay sa ValenÂzuela ay paraan din upang matulungan ng mga lungsod ang kanilang sarili dahil ang lahat ay mabibiyayaan nang mas malinis na estero at daluyan ng tubig. Bahagi rin naman ito ng normal na operasyon at serbisyo ng mga lungsod sa kanilang kinasasakupan.
Magandang pangitain ang ganitong mala-bayanihang kooperasyon sa pagitan ng ating mga lungsod. Halimbawa ito ng produktibong pakikipagtulungan na walang idudulot kung hindi magandang resulta at pamantayan para sa mga bubunuing hamon na darating.